Thursday, February 24, 2011

Tagalog News Release


Mga local na opisyal ng Barcelona sumailalim sa capability building ng UNDP
       
Sorsogon City, (PIA) – Matapos na mapili ang bayan ng Barcelona bilang pilot municipality para sa isang capability building ng United Nations Development Programme (UNDP), isinailalim na nito ang mga lokal na opisyal ng bayan sa isang intensive community based disaster management training noong Lunes, February 11.

Ayon kay Barcelona mayor Manuel Fortes, isinagawa ang capability training bilang paghahanda na rin laban sa epekto ng mga sakuna dulot ng kalamidad kung saan naisakatuparan ito sa pakikipagtulungan ng Provincial Disaster Risk Management Office (PDRMO) at ng Provincial Management Office (PMO) ng lalawigan ng Sorsogon.

Ayon pa kay Fortes, ang barangay San Ramon ang inindorsong pilot barangay ng UNDP sa kanyang bayan dahilan sa pagiging vulnerable nito. Multi-hazard diumano ang nasabing lugar dahil bukod pa sa palaging binabaha ang main road dito ay malapit pa ito sa paanan ng Mt. Bulusan at nanganganib sa posibleng mga landslides.

Matatandaang kasama ang Pilipinas sa 166 na mga bansang tinutulungan ngayon ng UNDP, partikular ng mga development projects, na naka-sentro sa mga vulnerable communities.

Ilan sa mga mahahalagang kampanya ng UNDP ay nakatuon sa kahirapan at kalidad ng buhay sa pamamagitan ng makatarungang pagpapatakbo ng pamahalaan, environmental sustainability, tamang pagtugon sa isyu ng climate change at pagtataguyod sa usaping pangkapayapaan. (barecebido, vlabalan, PIA Sorsogon)

No comments: