Tuesday, March 22, 2011

4-day community-based DRR planning/workshop sa high risks barangay sa Sorsogon isinasagawa


Tagalog News Release

Sorsogon City, March 22 (PIA) – Pormal nang nagsimula kahapon ang apat na araw na live-in Community-Based Disaster Risk Reduction Contingency Planning/ Workshop para sa mga kasapi ng Barangay Development Council/Barangay Disaster Risk Reduction Management Committee.

Pinangunahan ang planning-workshop ng pamahalaang panlalawigan ng Sorsogon sa pamamagitan ng Provincial Disaster Risk Management Office at sa pakikipag-tulungan ng Green Valley Development Program/World Vision.

Magiging kalahok sa gagawing pagsasanay ang mga kinatawan mula sa tig-dadalawang high risk barangays ng mga bayan ng Casiguran, Juban, Magallanes, Sta. Magdalena at Sorsogon City.

Layunin ng pagsasanay na maturuan ang bawat komunidad ng mga dapat nilang malaman sa mga patakaran ng Community-Based Disaster Risk Management na tampok sa RA 10121.

Sa pamamagitan ng aktibidad, nais din ng mga organizers na  pagyamanin ang kaalaman, kakayahan at kapasidad ng mga kalahok ukol sa pagbawas sa panganib dulot ng mga sakuna, kahandaan sa pagtugon, pangangasiwa at ang pagbalangkas ng isang Barangay Disaster Preparedness and Contingency Plans na mayroong malinaw na uri ng maagap na babala, pagsasagawa ng komunikasyon at pamamaraan ng paglikas.

Ang aktibidad na isinasagawa sa El Retiro, barangay Cabidan, Sorsogon City ay magtatagal hanggang sa Huwebes, March 24, 2011. (BARecebido/VLabalan/PIA Sorsogon)






No comments: