Tuesday, March 22, 2011

Tulong para sa special children ng SPES natanggap na

Tulong para sa special children ng SPES natanggap na
Ni: Francisco B. Tumalad, Jr.

Sorsogon City, March 22 (PIA) – Malugod na tinanggap ni Gng. Virginia Diaz principal ng Sorsogon East Central School noong Huwebes ang sampung libong pisong cash bilang tulong sa mga mag-aaral nitong may kapansanan.

Ang cah assistance na iniabot ni Grace Boca, kinatawan ng Padaba – FM radio station ay ang nalikom na halaga matapos ang ginawang Alay Lakad na tinaguriang “All About Love” noong March 5, 2011.

Matatandaang nagkaroon ng kasunduan o MOA ang Department of Education City Schools Division sa pamamagitan ng City Schools Division Superintendent Virgilio Real, Sorsogon east Central School sa pamumuno ni school principal Virginia Diaz at pamunuan ng DWOL-Padaba station sa pamamagitan ng station manager nitong si Robert Garcia upang bigyang tulong ang mga batang may kapansanan ng SPES sa pamamagitan ng “All About Love” Alay Lakad.

Nakasaad sa kasunduan na lahat ng malilikom na halaga mula sa mga pledges at registration ay ipambibili ng mga kagamitan ng mga mag-aaral sa tatlong section ng SPED center tulad ng mesa, visual aids at ilan pang kakulangang kagamitan.

Sa pamamagitan ng suporta ng iba’t-ibang mga private at government sector ay matagumpay na naisakatuparan ito dahilan upang makalikom ng sampung libong piso.

Labis-labis naman ang ipinaabot na pasasalamat ng principal, SPED teachers at maging magulang ng mga batang may kapansanan sa lahat ng mga bumuo, nagplano at sumuporta sa isinagawang Alay Lakad dahilan upang mabigyan sila ng cash assistance na aniya’y malaking tulong para sa pag-aaral ng kanilang special children. (PIA Sorsogon)


No comments: