Wednesday, May 4, 2011

Measles-Rubella vaccination pinatagal pa


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, May 4 (PIA) – Ikinatuwa ng mga magulang dito lalo na yaong hindi pa nababakunahan ang mga anak ang hakbang ng Department of Health na pagpapalawig pa ng door-to-door measles-rubella vaccination sa mga batang lima hanggang siyamnapu’t-limang buwang gulang.

Ang Ligtas Tigdas program na sinimulang ipatupad noong April 4 ng DOH ay nakatakdang palawigin pa ng ilang linggo upang makumpleto ang target na populasyon ng mga batang dapat mabakunahan.

Sa naging feedback ng mga nagsagawa ng pagbabakuna, naging maayos naman diumano ang vaccination activity nila lalo na sa mga barangay na organisado ang mga barangay health units.

May ilan namang naghayag ng kaunting hirap dahilan sa init ng araw na inaasahan na nila at sa ilang mga residenteng nakatira sa mga subdivision kung saan kailangan nilang magpabalik-balik lalo kung mga yaya lamang ang naiiwan at hindi makapagdesisyon.

Sinabi naman ni Department of Health - Provincial Health Team Leader Dr. Nap Arevalo na ang programa ng pamahalaan sa libreng measles vaccine ay taunang isinasagawa upang mabawasan kundi man mapigil ang mga batang namamatay sa ganitong uri ng viral disease na lumalaganap sa hindi maipaliwanag na dahilan.

Sinabi naman ng mga bakunador na may mga naitala rin silang pagbabago sa ugali ng mga magulang kung saan alam na ng mga ito ang kanilang gagawin at naintindihan na rin nila ang violent reaction na pag-iinit ng katawan ng mga bata kapag binakunahan sila ng anti-measles. (PIA Sorsogon)




No comments: