Tuesday, May 3, 2011

Organ Donor Card ipamamahagi sa May 6


Organ Donor Card ipamamahagi sa May 6
Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, May 10 (PIA) – Nakatakdang mamahagi ng Organ Donor Card ang National Kidney and Transplant Institute – Human Organ Preservation Effort (NKTI - HOPE) dito sa Sorsogon sa May 6, 2011.

Sa impormasyon na ipinaabot sa PIA Sorsogon ng NKTI, itataon ang pamamahagi sa isasagawang Advocacy on Organ Donation Program kung saan ilang mga kinatawan ng NKTI ang darating dito.

Ipamamahagi ang organ donor card upang makahikayat ng mga Sorsoganon na nagnanais na makatulong na mapahaba pa ang buhay ng ibang tao sa pamamagitan ng kusang pagbibigay ng bahagi ng kanyang katawan.

Ang organ donor card ay kulay yellow na may blue border line at may nakasaad na “I would like to help someone to live after my death”.

Makikita sa likuran nito ang ilang bahagi ng katawan ng tao na maaaring mai-donate tulad ng kidney, mata, puso at baga, atay, pancreas at iba pang mahahalagang bahaging maaaring kailanganin para sa transplantation, pananaliksik at mga pag-aaral.

Maaari anilang maging donor ang kahit na sinong may edad 18 pataas. Maging ang mga menor de edad ay maaari ding maging donor, kakailanganin lamang nito a ng pahintulot ng magulang o guardian nito. (PIA Sorsogon)


No comments: