Monday, August 1, 2011

National Free Assessment Synchronized Competency Assessment ng TESDA simula na sa Lunes


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, August 1 (PIA) – Patuloy pa rin ang Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) sa pagbibigay tulong upang mapataas ang antas ng kalidad ng kasanayan ng mga nakapagtapos ng technical-vocational courses.

Kaugnay nito, magkakaroon ng national free assessment-synchronized competency assessment ang TESDA simula ika-walo ng Agosto hanggang sa ika-labingwalo ng Nobyembre ngayong taon.

Ayon kay TESDA Sorsogon Focal person Jason Olarte, layunin din nitong magkaroon ng pantay na oportunidad ang mga propesyunal at yaong mga nakapagtapos sa TESDA na makahanap ng magandang trabaho at mapagkakakitaan.

Sa regular na competency assessment ng TESDA, umaabot din sa limangdaang piso ang maaaring gastusin ng isang indibidwal na nais sumailalim dito, subalit sa espesyal na programang ito ng TESDA ay wala silang iintindihing bayad.

Aniya, dapat lamang na magsumite ang mga interesadong aplikante ng kanilang application form ngayong Biyernes, ika-lima ng Agosto, 2011.

Iba-iba din diumano ang mga iskedyul para sa iba’t-ibang mga kasanayan kung kaya’t hinikayat din niya ang mga interesadong indibidwal na agad na makipag-ugnayan at bumisita sa pinakamalapit na tanggapan ng TESDA sa kanilang lugar.

Sa Lunes, Agosto 8 hanggang Agosto 12 ay nakaiskedyul ang Horticulture NC II at Food Processing sa Bulusan National Vocational Technical School; sa Agosto 22-26 naman nakaiskedyul ang Automotive Servicing NC at Motorcycle/Small Engine Servicing NC II at sa Agosto 29 naman ang Driving NC II.

Magpapatuloy diumano ang nasabing libreng competency assessment ng iba-ibang mga kurso hanggang sa Nobyembre ngayong taon. (HBinaya/PIA Sorsogon)

No comments: