Tuesday, August 2, 2011

Pagkakantala ng royalty share mula sa operasyon ng Bac-Man Geothermal Plant may malaking epekto sa city government


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, August 2 (PIA) – Inamin ni Sorsogon City Mayor Leovic Dioneda na problemado sila sa ngayon sa natatanggap nilang royalty share mula sa operasyon ng Bacon-Manito Geothermal Production Plant ng Energy Development Corporation (EDC) sa lungsod.

Ito ay dahilan sa hanggang ngayon ay hindi pa nila diumano natatanggap ang royalty share na dapat sana ay naipamahagi na sa mga host barangay ng EDC.

Ayon sa alkalde, ang pagkakaantala ay resulta ng privatization ng EDC at ang mahaba at matagal na proseso kung saan dapat na idaan sa Department of Energy (DOE), Department of Finance (DoF) at Department of Budget and Management (DBM) ang ibinabayad ng EDC bago ito tuluyang ibigay sa host city patungo sa mga barangay na dapat manginabang nito.

Kaugnay nito, humingi ng paliwanag si Mayor Dioneda mula sa DBM at DoF kaugnay ng pagkakantalang ito na aniya’y nakakaapekto na sa pagbaba ng ibinibigay nilang serbisyo at proyektong pinopondohan ng royalty share lalong-lalo na ang power subsidy na ibinibigay nila sa mga mamamayan.

Sa patuloy na pagkakantala, nangangamba silang baka dumating din sa puntong kakarampot o wala na silang makuhang royalty kung kaya’t kailangan nila diumano ang suporta ng lahat ng mga stakeholders partikular ang public-private partnership upang hindi tuluyang masakripisyo ang mga programa ng city government.

Sa ngayon aniya ay nagpapatupad sila ng mga istratehiyang makakatulong upang kahit papaano’y hindi gaaanong maramdaman sa mga barangay ang malaking epekto ng pagkakaantalang ito tulad ng paghihigpit ng sinturon, tamang paggasta ng badyet kung saan tanging yaong mahahalaga lamang sa operasyon ng mga barangay ang binibigyang prayoridad. (PIA Sorsogon)

No comments: