Wednesday, September 7, 2011

Bulkang Bulusan nagpapakita pa rin ng abnormalidad


Ni: Bennie A. Recebido

Mt. Bulusan
Lungsod ng Sorsogon, September 7 (PIA) – Matapos ang ilang linggong pamamahinga ng Bulkang Bulusan muli na namang nagpakita ito ng pagkabalisa matapos na makapagtala kahapon ang seismic network ng Bulusan Volcano ng dalawang volcanic earthquakes, subalit hindi gaanong naobserbahan ang steaming activity ng bulkan dahil natatakpan ng makapal na ulap ang bunganga at ilan pang lagusan ng mainit na singaw nito.


Ayon sa Phivolcs, kahit dala lamang ito ng mababaw na hydrothermal process, hindi pa rin tuluyang nananahimik ang bulkan kung kaya’t ptuloy pa ring nananatili sa Alert Level 1 ang lagay ng Bulusan Volcano at mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa 4-km radius Permanent Danger Zone.

Sa isinagawang ground deformation survey ng Phivolcs mula Agosto 16 hanggang 20 ngayong taon ay wala naman anilang kapansin-pansn na pagbabago sa leveling line ng Brgy. Inlagadian sa bayan ng Juban o sa Hilaga-Hilagang Silangang gilirang bahagi ng bulkan. Subalit sa isinagawa nilang survey noong Hunyo 7 hanggang 9, 2011, nakitaan ang bulkan ng bahagyang pamimintog sa leveling line ng Brgy. Mapaso sa bayan ng Irosin o sa Timog-Timog Silangang gilirang bahagi nito.

Dahil din sa umiiral na direksyon ng hangin, pinaalalahanan ang mga naninirahan sa Hilagang-Kanluran at Timog-Kanlurang bahagi ng bulkan na maging maingat sa mga ashfall sakaling biglaang sumabog ito, at maging sa mga naninirahan sa loob ng mga lambak at tabing-ilog na maging alerto laban sa lahar sakaling bumuhos ng matagal ang malalakas na ulan. (PIA Sorsogon)




No comments: