Friday, September 9, 2011

Mga ospital dapat na sumunod sa tamang pagtapon ng mga basura

Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, September 9 (PIA) – Matapos ang ginawang monitoring, evaluation at assessment ng Environment and Management Bureau (EMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ukol sa mga paraan ng pagtapon ng basura ng mga ospital sa Sorsogon, na kinabibilangan ng isang public at isang private tertiary hospital at apat na secondary private at dalawang secondary public hospital, lumabas na lahat ng mga ito ay hindi nakasunod ng tama alinsunod sa probisyong nakasaad sa Republic Act 6969 o ang “Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990”.

Ayon kay Engr. Leonisa Madeloso, kinatawan ng EMB-DENR, gumagamit lamang ng chlorine at Lysol bilang disinfectant ng mga itinatapong basura ang nasabing mga ospital.

Karamihan din diumano sa mga ospital ay walang permit para sa mga itinatapong tubig nito, walang solid waste management report at karamihan sa mga heringgilya, sirang bumbilya at fluorescent lamp, at iba pang mga basura ng ospital ay hindi naitatapon ng maayos.

Kaugnay nito, nagpadala ng notice of violation ang EMB at nakipagdayalogo sa mga kinauukulan ukol sa tamang pagtapon ng mga basura ng ospital upang hindi ito makaapekto sa kalikasan at makapagdulot ng panibangong suliraning pangkalusugan sa publiko.

Iminungkahi din ng EMB ang pagkakaroon ng sariling Pollution Control Officer ng mga ospital na siyang mangangasiwa sa paghihiwa-hiwalay ng mga basurang may mga heringgilya, dextrose, at iba pang gamit sa operating room lalo na kung ang pasyenteng gumamit nito ay may nakakahawang sakit. Dapat ring i-sanitize muna ang itatapong basura at lagyan ito ng marka upang madaling matukoy kung ito ay mayroong mga kemikal na maaring makasama sa kalusugan ng tao.

Samantala, tinalakay naman sa isinagawang pulong ng Provincial Solid Waste Management Board (PSWMB) kamakailan ang panganib na dala ng mga basurang naiipon at kawalan ng maayos na tapunan ng mga ospital dito, pati na rin ang mga solusyon at penalidad sa paglabag sa Republic Act 6969.

Nakatakda ding iprisinta ng PSWMB ang mga lumabas na isyu sa pulong na gagawin ng League of Municipalities (LMP) nang sa gayon ay maipaalam ito sa mga alkalde at kung papaanong matutugunan ang mga isyung ito upang makasunod sa probisyong nakasaad sa RA 6969 ang mga ospital sa kanilang nasasakupang lugar.

Lumabas din sa pulong na kailangang makabuo ng Provincial Monitoring Team na siyang susubaybay at magtatasa sa pagpapatupad ng RA 6969. (PIA Sorsogon)



No comments: