Thursday, October 13, 2011

Oktubre 17 deklaradong special non-working holiday sa Sorsogon


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Oktubre 13 (PIA) – Idineklarang non-special working holiday ng Pamahalaang Lokal ng Lalawigan ng Sorsogon ang araw ng Lunes Okrubre 17, 2011 bilang paggunita sa ika-isangdaan labing-pitong taong pagkakatatag ng Sorsogon bilang hiwalay na lalawigan sa Albay.

Sa bisa ng ipinalabas na Executive order No. 013 series of 2011 ni Sorsogon Governor Raul Lee, idineklarang walang pasok ang mga paaralan at lahat ng tanggapan sa lalawigan ng Sorsogon upang bigyang-daan din ang mga ito na makalahok sa mga gagawing aktibidad sa araw na ito.

Matatandaang nakasaad sa mandato ng Republic Act 7380 na bawat taon ay magiging special holiday ang Oktubre 17 upang maipagdiriwang ang kasarinlan ng Sorsogon.

Kabilang sa mga tampok na aktibidad sa Lunes, Oktubre 17, ay ang Historico-Cultural Parade na lalahukan ng iba’t-ibang mga festival ng labing-apat na bayan at isang lungsod ng Sorsogon. Inaabangan na rin ngayon ang gagawing parada ng Ms. “K” Festival Costume na gagawin sa Balogo Sports Complex.

Samantala, idinaos ang kauna-unahang Kasanggayahan Festival noong 1974 sa ilalim ng panunungkulan ni dating Gobernador Juan G. Frivaldo, pansamantalang natigil at muling binuhay noong 1994 kaalinsabay ng selebrasyon ng sentenaryo ng lalawigan ng Sorsogon at nagpapatuloy hanggang sa ngayon. (PIA Sorsogon)







No comments: