Thursday, October 13, 2011

Susi sa tagumpay ng SSC engineering passers ibinahagi


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Oktubre 13 (PIA) – Paghamon at tamang pagganyak ang susi ng Sorsogon State College (SSC) upang maging topnotcher and kanilang mga engineering board passers.

Ito ang ipinahayag ni Lito Orticio, Engineering Department Faculty ng SSC sa panayam ditto kamakailan. Ayon sa kanya, ‘challenge’ at motivation’ sa mga mag-aaral ang pinanghahawakan nilang susi sa tibay at tagumpay ng kanilang mga engineering board passers.

Ayon pa kay Orticio, malaking tulong din ang ginawa nilang exposure sa kanilang mga mag-aaral kung saan sa unang taon pa lamang nito sa SSC ay hinahasa na nila ang ito bilang kalahok at panalo sa mga local at national competition.

Maliban din sa suporta ng mga magulang hindi rin umano matatawaran ang determinasyon ng mga mag-aaral na hindi lamang basta maipasa ang board exam kundi maungusan pa ang ibang mga board examinees.

Matatandaang sunud-sunod na taon nang maliban sa mataas ang passing rate ng SSC sa engineering board examination ay nasusungkit pa nila ang first hanggang 10th placer sa engineering board exam. Pinakahuli ngayon ang Mechanical Engineering Board Examination kung saan mula sa 1,546 examinees ay nakuha ni Engr. Joseph Ramirez Gredoña ang top place na may katumbas na passing grade na 92.70% at ni Engr. Daniel Espinar Forteza ang 2nd place na may katumbas namang 92.65%.

Maliban sa dalawang ito ay 16 pang mga mag-aaral mula sa SSC ang ngayon ay rehistrado na bilang mechanical engineer sa bansa. Ang mataas na naabot na ito ng kanilang engineering department umano ang magsisilbing hamon sa kanila upang pagbutihin at pagtibayan pa ang kanilang ginagawa.

Samantala, kinilala din ng Sangguniang Panlalawigan ang galing na ipinakita ng mga mag-aaral sa SSC partikular ng dalawang nnaguna sa Mechanical Engineering Board Exam ngayong taon. Ayon kay Board Member Benito Doma, dapat lamang na mabigyan ng pagkilala ang mga mag-aaral na ito sapagkat maliban sa nagdala ang mga ito ng karangalan sa Sorosogon, inspirasyon din ang mga ito sa mga mag-aaral at patunay na walang imposible sa mga taong nagsisikap. Kaugnay nito nakatakda ring bigyan ang dalawang topnotchers ng P20,000 bilang insentibo sa ipinakitang tibay ng mga ito.

Maliban dito ay nakatanggap din ng tig-dalawampung libong piso si Gredoña at Forteza mula naman sa SSC bilang pagkalilala rin sa galling na ipinakita ng mga ito. (PIA Sorsogon)

No comments: