Thursday, October 20, 2011

TV5, Phil. Army, PRC, NGO namahagi ng tulong sa Matnog

Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, September 20 (PIA) – Muling napatunayan ang bisa ng pagtutulungan ng pampubliko at pribadong mga institusyon matapos na matagumpay na maihatid ang iba’t-ibang mga serbisyong pangkalusugan sa mga residente ng Brgy. Calintaan, isang islang barangay sa bayan ng Matnog, Sorsogon.

Sa impormasyong ipinaabot ni Col. Felix J. Castro, Jr., Commanding officer ng 903rd Infantry Brigade, Phil. Army sa PIA Sorsogon, mahigit umano sa pitongdaang mga residente sa Brgy. Calintaan ang kabenipisyo noong Martes, Oct. 18, ng iba’t-ibang mga serbisyong inihandog ng TV5 sa pangunguna ni TV5 Resource Mobilization Officer Chay Dionco katuwang ang 903rd Infantry Brigade ng Philippine Army, Philippine Red Cross (PRC) at Kapisanan ng mga Kababaihan para sa Kaunlaran ng Matnog, Inc. (KABALIKAT) sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Matnog. Naging aktibo din si Ginang Marie Ubaldo, ang maybahay ni Matnog Mayor Emilio G. Ubaldo.

Kabilang sa mga serbisyong natanggap ng mga residente ay ang libreng konsultasyon at gamutan sa pamamagitan ng kanilang medical mission kung saan naroroon si Dr. Rossana Galeria, ang Municipal Health Officer (MHO) ng Matnog at Dr. James Apin, MHO ng Juban kasama ang mga tauhan ng Rural Health Unit ng Matnog.

Nagkaroon din ng libreng gupit, pamamahagi ng mga relief goods at feeding program sa mga mag-aaral mula grade one hanggang grade three ng Calintaan Elementary School.

Samantala, malaki naman ang naging pasasalamat ng mga residente ng Brgy. Calintaan at ng pamahalaang bayan ng Matnog dahilan sa atensyong naibigay sa kanila ng mga institusyong ito. (PIA Sorsogon)






No comments: