Thursday, November 17, 2011

Delegasyon ng SPED Center Sorsogon nag-uwi ng karangalan matapos ang ‘Deaf Awareness Week’


Ni: Francisco B. Tumalad, Jr.

Lunsod ng Sorsogon, Nobyembre 17 – Magkahalong tuwa at saya ang makikita sa halos buong delegasyon ng mga Special Education (SPED) pupils na nakilahok sa katatapos pa lamang na ‘Deaf Awareness Week’ na ginawa sa lungsod ng Naga.

Sa patimpalak na inorganisa ng Bicol Deaf Youth, naiuwi ng Sorsogon East Central School SPED Center ang kampeonato sa Song Interpretative Dance Competition na may premyong nagkakahalaga ng P2,500. Nakuha din nito ang unang pwesto sa Cheer Dance Competition.

Ayon sa mga nakapanood, maganda ang naging partisipasyon ng dalawampung SPED pupils na lumahok dito mula sa Sorsogon. Anila, resulta ang magandang presentasyon ginawang ibayong paghahanda ng Sorsogon East Central School Special Education Center upang manalo makakuha ito ng mga karangalan sa isinagawang 2nd Bicol Deaf Youth Celebration.

Ayon kay Sorsogon East Central School principal Virginia Diaz, sa kabila ng pagod at hirap na pinagdaanan ng mga batang may espesyal na pangangailangan ay bakas pa rin sa kanilang mukha ang kaligayahan sa tagumpay na nakamit sa kabila ng kakulangan nilang maihayag ng normal ang kanilang mga saloobin.

Makikita rin umano sa kanila ang bagong pag-asa na kaya rin nilang makipagsabayan sa anumang uri ng palakasan at kompetisyon at abutin ang kanilang mga pangarap sa tulong ng kanilang mga guro at paaralan.

Kaugnay nito, sinabi ng Department of Education Sorsogon City Schools Division na marapat lamang na suportahan at tulungan ang mga espesyal na batang ito na matuto at mabuhay ng maayos upang pagdating ng panahon ay makapaglingkod din sa komunidad at sa bansang kanilang ginagalawan. (bar/PIA Sorsogon)





No comments: