Wednesday, November 16, 2011

Mga opisyal at tanod sa barangay sinanay ng BFP Bulan


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 16 (PIA) – Matagumpay ang isinagawang seminar at pagsasanay para sa mga opisyal at tanod sa barangay kamakailan sa isang barangay sa Bulan, Sorsogon ukol sa pagsalba sa buhay at ari-arian at pag-apula ng apoy sa panahong nagkakaroon ng sunog.

Ayon Manuel Gernale, Brgy. Chairman ng Zone 2 Bulan, dahilan sa nakita niya ang malaking kahalagahan ng pagkakaroon ng kasanayan ng mga opisyal, tanod at maging ng buong komunidad laban sa sunog at bilang tugon na rin sa pagpapaigting ng kampanya ng BFP Bulan ukol sa pag-iwas at paglaban sa sunog kung kaya’t minabuti niyang imbitahan ang mga tauhan ng ahensya upang magbigay ng pagsasanay sa kanila.

Humigit-kumulang sa apatnapung mga opisyal sa barangay, tanod at mga kasapi ng isang non-government organization sa Brgy. Zone 2 ang aktibong nakilahok sa nasabing aktibidad.

Kabilang sa mga tinutukan ng mga tagapagsalita ng BFP Bulan ang tungkol sa tamang pag-iwas sa sunog, pagsugpo, pag-apula at pagsalba sa buhay at ari-arian ng mga residente sa panahong nagkakaroon ng sunog.

Binigyang komendasyon naman ni SFO4 Tomas D. Dio, Fire Marshall ng BFP Bulan ang naging hakbang ni Brgy. Chairman Gernale lalo pa’t layon ng aktibidad na mapataas ang kamalayan at kaalaman ng komunidad ukol sa mga usaping may kinalaman sa apoy at sunog.

Ikinatuwa din ni Dio na sa kabila ng pagiging abala ng mga kalahok ay nakita niya ang pagnanais ng mga ito na makakuha ng mga kaalaman na magagamit nila sa pagtitiyak ng kanilang kaligtasan sa araw-araw.

Ilan sa mga kalahok din ang personal na nagpaabot ng pasasalamat sa BFP Bulan at nagsabing hindi umano mababayaran ng anumang halaga ang kaalamang nakuha nila mula sa nasabing training at seminar.

Samantala, sinimulan na ring ipaabot ng BFP Bulan ang mga kaukulang kaalaman ukol sa kampanya ng pamahalaang nasyunal ukol sa ‘Iwas Paputok’ lalo ngayong nalalapit na ang panahon ng kapaskuhan. (PIA Sorsogon)

No comments: