Friday, February 10, 2012

BFP Sorsogon nakapagtala ng mababang perwisyo ng sunog noong 2011

Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Pebrero 10 (PIA) – Mas mababa ng mahigit limang milyong piso ang naitalang danyos ng Bureau of Fire Protection Sorsogon Provincial Office dahilan sa sunog noong 2011 kumpara sa taong 2010.

Ayon kay Provincial Fire Marshall Chief Inspector Achilles M. Santiago, umabot sa P7.1 milyon ang perwisyo dahilan sa sunog noong 2010 habang nasa P1.81 milyon lamang noong 2011.

Subalit inamin naman ni Santiago na tumaas ang bilang ng insidente ng sunog na naitala sa buong lalawigan ng Sorsogon noong 2011 kung saan nakapagtala sila ng dalawampu’t tatlong (23) insidente habang labingsiyam (19) noong 2010.

Sa 2011 datos ng BFP Sorsogon, anim na insidente ng sunog ang naitala sa Sorsogon City, anim din sa bayan ng Bulan, apat sa Irosin, tig-dalawa sa Donsol at Castilla, habang tig-iisa naman sa mga bayan ng Gubat, Pilar at Sta. Magdalena.

Aniya, sa lahat ng mga insidenteng ito, isa ang naitalang nasugatan subalit minor injury lamang ang natamo nito.

Karamihan sa mga sangkot sa insidenteng ito ay residential kung saan pawang sa mga kusina nagsimula ang sunog o di kaya’y dahilan sa electrical short circuit.

Kaugnay nito, muling umapela si Santiago sa publiko na pag-ibayuhin ang pag-iingat laban sa sunog sapagkat walang pinipiling pagkakataon ito lalo kung nagkakaroon ng kapabayaan. Dapat din umanong maging aktibo ang publiko at dumalo sa mga pulong ukol sa pampublikong pangkaligtasan na ipinapatawag ng BFP. (BARecebido, PIA Sorsoogn)


No comments: