Wednesday, February 8, 2012

PAGTITIPON NG MGA KABATAANG PINUNO


MAGING DAAN TUNGO SA PAGBABAGO;
LUMAHOK SA IKA-SYAM (9TH) NA PAGTITIPON NG MGA KABATAANG PINUNO
(BE AN USHER OF CHANGE; JOIN THE 9th NYP IN NAGA CITY)

“Kailangan namin  ang inyong tinig! Lumahok at maging instrumento ng pagbabago”.
Ang bawat isang kabataan na may edad 15-30 taong gulang ay inaanyayahang lumahok sa ika-siyam na pagtitipon ng mga kabataang pinuno o 9th NYP na gagawin sa Naga City ngayong          Mayo 2-6, 2012 upang makagawa ng mga polisiya at recommendasyong makakatugon sa mga pangunahing usapin ng kabataang Pilipino.

Ang pagtitipong ito ay nakasentro sa temang : “Revolutionizing Youth Development”  na may layuning magkaroon ng pagkakataon ang bawat kabataan na ipahayag ang kanilang opinyon o saloobin sa mga usaping pangkabataan, mabigyan sila ng pagkakataon na makilala ang kapwa kabataan mula sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas at magkaroon ng ugnayan sa isa’t-isa tungo sa ikauunlad ng mga kabataang Pilipino.

Ang pagtitipong ito ay gagawing makabuluhan at nakaayon sa kasalukuyang sitwasyon ng kabataang Pilipino. Ayon kay Commissioner Tingson, ito na ang pagkakataon ng mga kabataan na makibahagi sa isa sa pinaka-mahalagang proyektong pangkabataan ng pamahalaan kung saan ang boses ng mga kabataan ay maririnig sa paggawa ng mga rekomendasyon upang maging batas o polisiya.

Inaasahan ng pamunuan ng NYC ang higit sa dalawang daang (200+) kabataan ang dadalo sa pagtitipong ito dahil ang mapipili na dalawa (2) sa bawat probinsya at apat (4 ) na kabataan mula apat (4) na sektor ng rehiyon ay walang ibang babayaran sa pagtitipong ito maliban sa kanilang pamasahe papunta sa pagtitipon at pabalik sa kanilang lugar.

Kaya kung kayo ay kabataang Pilipino na ang edad ay 15-30 taong gulang ngayong ika-29 ng Pebrero 2012, naninirahan ng anim na buwan o higit pa sa isa sa probinsya ng Pilipinas, miyembro ng isang aktibong organisasyon, kinakakitaan ng magandang halimbawa, at maaring makatulong sa layunin ng National Youth Parliament (NYP), pumunta o tumawag lang sa pinakamalapit na opisina ng NYC sa inyong lugar o kaya ay tingnan ang pahina ng NYC sa www.nyc.gov.ph upang makakuha ng porma sa pagtitipon at ipadala o dalhin ito sa opisina ng NYC bago dumating ang ika-29 ng Pebrero 2012.

Halina at makiisa sa layuning mapaunlad ang kabataang Pilipino, sumali sa ika-siyam na National Youth Parliament (NYP) na gaganapin sa Naga, ang lugar kung saan ang mga tao ay laging masaya at may ngiting nakikita sa kilos at mukha! (Reference:NYDIA P. DELFIN)

No comments: