Friday, March 16, 2012

DOH, PAG-ASA nagbabala sa publiko sa mga epektong dala ng mainit na panahon


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Marso 16 (PIA) – Nagbabala at pinag-iingat ng Department of Health – Sorsogon Provincial Health Team (DOH-PHT) ang publiko sa mga epektong dala ng pagdating ng summer season.

Ayon kay DOH-PHT Leader Dr. Nap Arevalo, dapat na mag-ingat ang bawat indibidwal sa matagal na pagbibilad sa init ng araw lalo sa mga oras na mula alas diyes hanggang alas-tres ng hapon dahil sa posibleng epekto ng ultra-violet rays sa katawan lalo na sa balat at sa posibilidad ng pagtaas ng presyon ng dugo at heat stroke.

Kaugnay nito, pinayuhan ni Arevalo ang publiko na uminom ng mas maraming tubig upang maiwasan ang posibilidad ng dehydration o pagkaubos ng tubig sa katawan. Sinabi rin niya na dapat ring iwasan ng publiko ang food poisoning lalo’t aminado silang talagang tumataas ang bilang ng mga nabibiktima nito sa panahon ng summer dahilan sa mas madaling mapanis ang mga pagkain kapag mainit ang temperatura o kondisyon ng panahon.

Sa kabilang dako, nagbabala din ang mga forecaster ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA) sa mga mamamayan na maging handa ngayong pumasok na ang summer season sa bansa.

Abiso nito na palagiang magdala ng inuming tubig at mga pananggalang sa init tulad ng payong, sombrero, gumamit ng sunblock upang makaiwas sa epekto ng panahon. Inamin din ng ahensya na makakaranas pa rin ng mga kalat-kalat na mga pag-uulan ang Sorsogon sa kabila ng pagdedeklara ng summer season. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: