Friday, March 23, 2012

PGADC bumisita at nagsagawa ng mga aktibidad sa Home for the Boys


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Marso 23 (PIA) – Bumisita ang mga kasapi ng Provincial Gender Advocacy and Development Council (PGADC) sa Home for the Boys Regional Rehabilitation Center sa Barangay Pangpang, Sorsogon City noong Martes.

Ang aktibidad ay naisakatuparan sa pagtutulungan ng PGADC at ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) kaugnay ng pagdiriwang ng Women’s Month ngayong taon.

Sinimulan ang aktibidad sa pamamagitan ng isang maikling programa kung saan nagbigay ng maikling mensahe ng inspirasyon si Sangguniang Panlalawigan Board Member at Committee on Women and Children Welfare Chair Rebecca Aquino at si PSI Romeo Gallinera, Chief, Police Community Relations ng Sorsogon Police Provincial Office.

Nagkaroon ng mga palaro, pagpapakain at pagbibigay ng counseling sa mga batang nangangailangan nito. Karamihan sa mga batang nasa Home for the Boys ay mga biktima ng iba’t-ibang uri ng mga pang-aabuso hindi lamang ng kanilang pamilya kundi maging ng lipunan.

Nagtapos ang aktibidad sa pamamagitan ng ibinigay na mensahe ni Casiguran Mayor Ester Hamor.

Ilan pa sa mga tampok na aktibidad na ginawa ng PGADC kaugnay ng selebrasyon ng Women’s Month ngayong taon ay ang talakayan sa radyo ng iba’t-ibang mga isyu ukol sa kababaihan kasama na ang Magna Carta for Women, Women’s Day Pampering noong March 12 kung saan tinuruan ang mga kababaihan ukol sa mga kasanayan para sa alternatibong pangkabuhayan, tree planting sa bayan ng Casiguran noong March 16 at Business Forum kahapon.

Magtatapos ang Women’s Month Celebration ngayong taon sa pamamagitan ng isang ‘Night for a Cause’ sa darating na ika-27 ng Marso, 2012. (SPPO, BArecebido, PIA Sorsogon)
Photos courtesy of PO2 Mike Espena, SPPO





No comments: