Friday, March 23, 2012

Publiko dapat na mag-ingat sa food poisoning


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Marso 23 (PIA) – Muling nagpaalala sa publiko ang Department of Health – Provincial Health Team (DOH-PHT) na mag-ingat sa iba’t-ibang mga sakit o karamdamamang maaaring maranasan hindi lamang sa panahong may mga pag-uulan kundi maging sa panahon ng summer.

Ayon kay DOH-PHT Leader Dr. Nap Arevalo, isa sa mga dapat na iwasan ng publiko ay ang food poisoning kung saan sa panahong maalinsangan o mainit ang temperatura ng panahon ay mas nagiging mabilis ang pagkapanis ng mga pagkaing maaaring maging sanhi ng food poisoning.

Ang food poisoning ay isang sakit na sanhi ng pagkain at pag-inom ng tubig na kontaminado ng bakterya o lason, mga parasite, virus o kemikal na nagdadala ng mga sumusunod na sintomas: sakit ng tyan, pagsusuka, pagtatae at sakit ng ulo. Sa mga seryosong pagkakataon, maaari din itong maging dahilan ng nakamamatay na sakit sa utak, atay at bato.

Ang mga pasyenteng nakararanas nito ay dapat na dalhin sa ospital, sumailalim sa aggressive hydration at gamutin ng antibiotic.

Samantala, inirerekomenda ng World Health Organization (WHO) ang lima at simpleng hakbang kung paanong maiiwasan ang food poisoning:

Una, panatilihin ang kalinisan. Hugasan ang mga gagamitin sa pagluto at ang kamay bago at habang naghahanda ng pagkain. Huwag hahayaang pamugaran ng mga insekto, peste at iba pang mga maruruming hayop ang kusina at pagkain.

Pangalawa, ihiwalay ang hilaw sa lutong pagkain. Dapat na magkaiba ang kagamitang pangkusinang gagamitin sa hilaw at lutong pagkain. Ang mga katas ng hilaw na karne, manok at lamang-dagat ay maaaring makabuo ng mapanganib na mikrobyo.

Pangatlo, lutuing mabuti ang pagkain lalo na ang mga karne, manok at seafoods. Lumalabas sa pag-aaral na ang mga pagkaing niluto sa 70 degrees Celsius na temperatura ay mas ligtas laban sa food poisoning.

Pang-apat, itago ang pagkain sa ligtas at tamang temperatura. Ang mga pagkaing hindi nakunsumo ay dapat na itago sa refrigerator matapos ang dalawang oras na exposure lalo na yaong madaling masirang pagkain, subalit hindi rin dapat na pagtagalin sa refrigerator ang mga pagkain ng ilang araw. Hayaang matunaw sa normal na paraan ang yelong nagpatigas sa pagkain at huwag ibabad sa tubig.

Panglima, gumamit ng malinis na tubig at mga sariwang pagkain. Basahin ang expiration date ng mga binibiling pagkain.

Ayon kay Dr. Arevalo, dapat na maging maingat ang publiko sa pagmantini sa kanilang kalusugan upang maiwasan ang malaking gastusin sa hinaharap. (PIA Sorsogon)



No comments: