Tuesday, April 3, 2012

Mahigpit na seguridad ipinatutupad kaugnay ng obserbasyon ng Semana Santa


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, April 3 (PIA) – Simula pa noong nakaraang linggo ay aktibo nang nakakalat ang mga kapulisan upang tiyakin ang seguridad ng publiko ngayong semana santa kung saan sa lungsod ng Sorsogon ay aabot sa limampung mga pulis mula sa Sorsogon Police Provincial Office ang inilagay bilang augmentation force.

Ipinag-utos naman ni City Police Chief PSupt Edgardo Ardales ang mas mahigpit na police visibility at round-the-clock na pagpapatrol ng mga pulis sa lungsod at nanawagan din ito sa mga opisyal ng barangay na magpatupad ng regular at mas mahigpit na pagroronda sa kani-kanilang mga lugar upang matiyak ang seguridad ng mga mamamayan sa panahong nagsasagawa ng mga aktibidad tulad ng prusisyon, visita iglesia, vigil at iba pa.

Nagbabala din ang Philippine Coast Guard Sorsogon Station sa publiko na mag-ingat sa pagsakay sa mga kolurom na sasakyang pandagat lalo na’t nauuso din sa mga panahong tulad nito ang pag-aarkila ng mga sasakyan o pagkuha ng mga pasahero lalo na sa mga isla dahilan sa kakulangan ng masasakyan kaugnay na rin ng maraming mga pasahero. Sakali umanong magkaroon ng mga sakuna ay walang seguridad na maibibigay ang mga ito sa maaapektuhang pasahero.

Hinigpitan din nila ang pagsubaybay sa pagpapatupad ng mga patakaran sa paglalayag ng mga sasakyang pandagat lalo na sa mga pantalan ng Matnog, Pilar at Bulan.

Sa pagtutulungan ng Philippine National Police, Philippine Army, Land Transportation Office at iba pang ahensya ng pamahalaan, may mga check-point at assistance center ding inilagak sa mga istratehikong lugar sa buong lalawigan upang tulungan sa kanilang pangangailangan ang mga motorista at mga bisitang dadagsa mula sa ibang mga lugar lalo pa’t mas mahaba ang bakasyon ngayon.

Maging ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) at Office of the Civil Defense (OCD) ay nagpalabas din ng memorandum kaugnay ng kaukulang paghahanda ng bawat lalawigan o ang “Alerto Semana Santa 2012” mula April 2 hanggang April 8.

Ayon kay Sorsogon Provincial Disaster Risk Management Office (SPDRMO) Chief Jose Lopez, alerto din ang bawat kasapi ng Provincial DRRMC sa pagpapatupad ng kani-kanilang mga contingency plan nang hindi na kailangan pang paalalahanan.

Nagsumite din ng Holy Week Contingency Plan ng mga National Government Agencies (NGAs) at Local DRRMC ang Provincial DRRMC bilang tugon na rin sa direktiba ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director at OCD Administrator, Undersecretary Benito T. Ramos nang sa gayon ay matiyak ang matagumpay at mapayapang selebrasyon ng Holy Week ngayong taon.

Ayon pa kay Lopez, pinaigting din nila ang koordinasyon sa mga Public Information Officer at media sa lalawigan para sa mas malawakang pagpapakalat ng impormasyon ukol sa mga hakbang pang-seguridad at pangkaligtasan. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: