Wednesday, April 4, 2012

Sen. Trillanes buo ang suporta sa administrasyong Aquino


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, April 4 (PIA) – Sa nakaraang pagbisita ni Senator Antonio Trillanes III sa Sorsogon makaraang maimbitahan bilang panauhing pandangal at tagapagsalita sa isinagawang commencement exercises ng Sorsogon State College noong marso 29, 2012, inihayag nito sa isang press conference ang kanyang buong suporta sa administrasyon ng Pangulong Benigno Aquino III.

Aniya, suportado niya ito sapagkat nakikita niyang tapat ang pamahalaan sa pagtahak sa “Daang Matuwid” lalo na ang paglaban sa korapsyon.

Subalit sinabi din niyang hindi pa rin sapat ang sinseridad, ang kailangan umano ay bisyon o pagtingin sa hinaharap at kaukulang plano upang makamit ang bisyong ito. Hindi umano maaaring sa pang-araw-araw lang ang approach o pamamaraan, kung saan inihalintulad niya ang pamamalakad ng pamahalaan sa pagtatayo ng planta na kailangan ng masusing pagpaplano upang maging epektibo ito.

Samantala, patungkol sa reaksyon nito ukol sa energy crisis sa Mindanao, sinabi ng senador na nagsumite na siya ng isang resolusyon sa Senado na magbibigay ng emergency power sa Pangulo katulad ng ibinigay na kapangyarihan ng kongreso noon kay dating Pangulong Fidel Ramos nang magkaroon din ng kahalintulad na krisis noong siya ay nanunungkulan pa bilang Pangulo ng bansa.

Positibo umano siyang sa pamamagitan ng pagbibigay ng emergency power sa Pangulo ay matutuguna ang suliraning ito, subalit tiniyak naman ng senador na nagdagdag din siya ng ilang mga probisyong titiyak na hindi maaabuso ang kapangyarihang ito sakaling maipasa at ipatupad ito.

Inamin din ng senador na totoong may mga grupong nais patalsikin ang Pangulo sa pwesto at may ilan ding nagrerekrut ng mga sundalo upang i-destabilize ang gobyerno, subalit mariin sinabi ng senador na sa ngayon ay wala siyang nakikitang dahilan upang maganap ang anumang pag-aaklas sapagkat malinaw naman ang sinseridad ng administrasyon sa adyenda nito tungo sa “Daang Matuwid”.

Aminado din ang senador na may konti ring pagkukulang sa sistema ng pamamahala subalit hindi umano ito rason upang mag-aklas at magpalit ng Pangulo.

Binigyang-diin din niya na kung may mga hinaing ang kasundaluhan ay nakahanda siyang tumulong na maipaabot ito sa Pangulo lalo na’t masasabi naman niya ito ng direkta sa Pangulo, nang sa gayon ay hindi na umano kailangang mag-aklas pa.

Nagpasalamat din si Sen. Trillanes sa oportunidad na ibinigay sa kanya ng SSC dahilan upang maisakatuparan ang kanyang kauna-unahang pagbisita sa lungsod ng Sorsogon. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: