Tuesday, July 31, 2012

Sorsogon pangalawa sa may pinakamababang bilang ng malnutrisyon


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 31 (PIA) – Matapos ilabas ngayong Hulyo ng National Nutrition Council (NNC) ang resulta ng Operation Timbang na isinagawa nito noong 2011, lumabas na ang lalawigan ng Sorsogon ang pumapangalawa sa may pinakamababang bilang ng mga batang malnourished.

Sa ulat ng NNC Bicol, pinakamataas na naitalang bilang ng malnutrisyon ay ang lalawigan ng Camarines Sur na may 19 porsyento, sumunod ang Catanduanes na may 18.3 porsyento, sunod ang Masbate na may 16.39 porsyento, Albay na may 14.91 porsyento, habang 13 posyento ang bilang ng mga batang malnourished sa Sorsogon, at pinakamababa naman ang Camarines Norte na may 12.97 porsyentong bilang ng malnutrisyon.

Ayon sa NNC, karamihan sa mga nakabilang sa mga batang malnourished ay yaong mga kulang sa timbang sanhi ng kakulangan sa pagkain lalo na ang gulay at iba pang mga masusustansyang pagkaing dapat ay araw-araw na naibibigay sa mga bata.

Maliban sa kakulangan sa pagkain at tamang nutrisyon, ang maling pamamaraan ng pagpili ng pagkain ng mga bata ang isa rin sa mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng malnutrisyon.

Maging ang hindi maayos na nutrisyong nakukuha ng mga buntis na ina ay maaari ding makaapekto sa tamang paglaki, talino at abilidad na matuto ng mga bata.

Malaki din ang papel na ginagampanan ng maayos na nutrisyon upang lumakas ang resistensya at hindi kaagad dapuan ng sakit ang isang bata.

Naniniwala naman ang mga halal na opisyal at mga opisyal sa kalusugan dito na nakabase ang tagumpay ng anumang programa sa nutrisyon sa mga ginagawang hakbang ng mga opisyal lalo na sa lebel ng mga barangay  Pangunang responsibilidad din umano ng mga barangay at municipal-LGUs ang pagsubaybay sa mga insidente ng malnutrisyon sa isang lugar. (BARecebido, PIA Sorsogon/MHatoc)

 

No comments: