Wednesday, August 29, 2012

PNP positibong maitatanim ang target na 50,000 puno hanggang sa 2013


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 29 (PIA) – Matapos ilunsad noong Pebrero ngayong taon ang proyektong “Pulis Makakalikasan: Sampung Milyong Puno, Pamana sa Kinabukasan” ng Philippine National Police (PNP) umabot na sa 19,470 mga pananim na puno ang naitanim na ng PNP Sorsogon hanggang nitong buwan ng Hunyo.

Sa ilalim ng programang ito ng PNP, dapat na magtanim ang bawat kasapi ng PNP ng anim na puno bawat buwan sa loob ng isang taon o kabuuang 72 puno bawat pulis sa loob ng isang taon bilang suporta sa National Greening Program (NGP) ng kasalukuyang administrasyon,
.
Ayon kay PO3 Ronnie V. Sanchez of Police Community Relations Office (PCRO), naging mas agresibo sa pagtatanim ng mga puno ang PNP sa pagdiriwang ng ika-17 taon ng Police Community Relations Month (PCR) ngayong taon.

Tiniyak din ng PNP Sorsogon sa atas ni Provincial Director PSSupt. John CA Jambora ang kaukulang koordinasyon ng tanggapan ng kanilang PCR sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at sa iba pang mga local government unit (LGU) sa pagtukoy ng mga lugar na dapat pagtamnan ng mga puno.

Target umano ng PNP Sorsogon na makapagtanim ng 50,832 mga puno ang 17 yunit o istasyon ng pulis sa buong lalawigan.

Positibo ang PNP Sorsogon na maaabot nila ang aabot pa sa animnapung porsyentong kakulangan sa naitanim nilang mga puno bago ang Pebrero 2013.

Ang PNP Sorsogon ay mayroong kabuuang bilang na 696 uniformed personnel at 10 non-uniformed personnel.

Matatandaang isang Memorandum of Agreement (MOA) ang pinirmahan sa pagitan ni PNP Director General Nicanor Bartolome at DENR Secretary Ramon Paje noong Enero ngayong taon. Sa ilalim ng MOA, kailangang maglagay din ng nursery ng mga puno sa loob ng kampo ang PNP kung saan ang DENR ang tutulong sa pagtukoy sa mga uri ng kahoy na maaring itanim base sa uri ng klima at lupa sa pagtatamnang lugar.

Ayon kay PNP Dir. Gen. Bartolome, ang “10 Million Trees for 7,000 Islands Project” ng PNP ay suporta din sa National Climate Change Action Plan of the Climate Change Commission.

Ayon naman sa DENR, target ng NGP na matamnang muli ng mga puno ang aabot sa 200,000 ektaryang lupain at makalikom ng aabot sa 114 milyong mga pananim ngayong taon. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments: