Wednesday, September 26, 2012

Kasanggayahan Festival 2012 tututok sa agrikultura at industriya ng Sorsogon



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, September 25 (PIA) – “Sorsogon Paunlarin, Agrikultura’t Industriya, Pasiglahin.” Ito ang tema ang pagdiriwang ng Kasanggayahan Festival ngayong taon na opisyal na sisimulas sa ika-8 hanggang sa ika-17 ng Oktubre.
Ang pagdiriwang ay pangungunahan ng pamahalaang probinsya ng Sorsogon at ng Kasanggayahan Foundation, Inc. (KFI).

Ayon kay Sorsogon Governor Raul R. Lee, ang pagdiriwang ngayong taon ay tutuon sa agrikultura at iba pang mga produkto at industriyang tunay na maipagmamalaki ng mga Sorsoganon lalo pa’t probinsyang agrikultural ang lalawigan ng Sorsogon.

Nais umano niyang mabigyang pagkilala naman ngayon ang mga mamamayang nasa likod ng napagsasaluhang pagkain sa hapag at yaong mga taong hindi gaanong napagtutuunan ng atensyon subalit malaki ang papel na ginagampanan pagdating sa agricultural na pag-unlad ng lalawigan tulad na lamang umano ng mga magsasaka at mangingisda.

Ayon naman kay KFI president Msgr. Francisco P. Monje, sa loob ng halos ay dalawang dekada, pinagsisikapan ng KFI sa pamamagitan ng pagdiriwang ng Kasanggayahan Festival na maipakilala ang Sorsogon bilang isang lugar na maaaring dayuhin ng mga imbestor dahilan sa natural na angking kagandahan at agrikultural na yaman nito.

Kakabit din ng pagdiriwang na ito ang ika-118 na taong anibersaryo ng Sorsogon bilang isang hiwalay na lalawigan mula sa Albay na gugunitain sa ika-17 ng Oktubre ngayong taon.

Kaugnay nito hinikayat ng dalawang opisyal ang mga publiko na suportahan at makilahok sa gagawing Kasanggayahan Festival ng Sorsogon.

Ilan sa aabangan ng mga dadayo dito ay ang pagpapalit-anyo ng Capitol grounds mula sa ordinaryong mukha ng kapitolyo ng Sorsogon tungo sa isang Pista sa Nayong disenyo kung saan ang mga palamuti ay gawa sa mga materyal at produktong mula sa Sorsogon.

Maliban dito ay makikita din ang pagdayo ng mga kalabaw sa lungsod na siyang pangunang uri ng hayop na gamit ng mga magsasaka sa kanilang sakahan. Magkakaroon ng carabao ride at patimpalak sa pinakamagagandang kalabaw na dadayo dito.

Magkakaroon din ng Pista ng mga Kakanin kung saan itatampok naman ang iba’t-ibang uri ng mga lokal na kakanin mula sa labing-apat na bayan at isang lungsod ng Sorsogon.

Maiiba din ang presentasyon ng taunang “Pantomina sa Tinampo” kung saan bibigyan ng pagkakataong makasalamuha at makasayaw ng Pantomina ang publikong nais ding makilahok.

May ilang personalidad din ang nakatakdang dumating sa pambungad at pangwakas na seremonya ng nasabing festival.

Samantala, gaganapin naman ngayong hapon ang press conference para sa Kasanggayahan Festival upang ilahad sa mga mamahayag dito ang mga kaganapan mula Oktubre 8 hanggang 17, 2012.

Ayon pa kay Gov. Lee, nais niyang gawing simple subalit maaalala ng mga Sorsoganon ang pagdiriwang ng Kasanggayahan Festival 2012. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: