Thursday, September 27, 2012

Mga proyekto ng SCWD inilatag



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, September 27 (PIA) – Inilatag ng Sorsogon City Water Disrict (SCWD) ang ilan sa kanilang mga plano at proyekto sa mga susunod na taon upang masustinihan at mapanatiling sapat ang suplay ng tubig sa lungsod ng Sorsogon.

Sa naging pahayag ni SCWD General Manager Engr. Ronaldo Barbono, kasama sa kanilang plano ang pag-develop ng surface water ng Rangas River sa Distrito ng Bacon, habang ang negosasyon naman sa pagkuha o pagbili n tubig sa Orok Spring sa pamamagitan ng Casiguran Water District ay nagpapatuloy pa rin.

Ang Orok Spring ay kilala at ipinagmamalaki ng bayan ng Casiguran bilang isa sa pinakamalaking mapagkukunan ng tubig at dahilan sa mala-yelong lamig ng tubig dito.

Tiniyak din ni Barbono sa mga taga-lungsod na patuloy ang pagsisikap ng kanilang tanggapan na mapanatili ang maayos na suplay ng tubig at isinasa-alang-alang nila ang lahat ng mga posibilidad upang masustinihan ang pangangailangan sa tubig ng Sorsogon City.

Nilinaw ng opisyal na may mga teknikal at pinansyal na konsiderasyon ang SCWD kung bakit mas inuna nilang piliin ang pag-develop ng bulk water supply mula sa Cawayan River. Subalit, hindi aniya ito nangangahulugan na hindi na nila ipagpapatuloy ang paghahanap ng mga karagdagan pang water sources na makapagbibigay pa ng karagdagang suplay ng tubig tulad na lamang umano ng Rangas River at ng Orok Spring. (BARecebido, PIA Sorsogon/SCWD)

No comments: