Friday, November 9, 2012

SAFADECO inspirasyon para sa mga ARBs


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, November 9 (PIA) – Isang inspirasyon sa mga magsasaka at benepisyaryo ng reporpma sa agraryo ang pinagdaanan ng Salvacion Farmer’s Development Cooperative (SAFADECO) na nagbunga ng pagkakaroon nila ng bago at mas malaking tanggapan sa Jamoralin St., Polvorista, Sorsogon City.

Ang SAFADECO ay organisasyon ng mga magsasaka na nagsimula noong 1992 sa isang maliit na grupo ng mga magsasaka at nag-ambagan ng piso-piso hanggang nakapagpatayo ng isang Sari-sari Store sa Brgy. Salvacion, Sorsogon City, hanggang sa madiskubre ng isang Development Facilitator ng Department of Agrarian Refrom (DAR).

Dahilan sa marami sa mga kasapi nito ay Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs), inirekomenda nito sa grupo na maging rehistradong kooperatiba kapartner ng DAR para sa pag-asenso.

Simula noon ay naging bahagi na ang SAFADECO ng mga proyekto ng DAR tulad ng Agrarian Reform Communities’ Project (ARCP) na pinondohan ng DAR-Asian Development Bank (ADB) at ng Local Government Unit (LGU).

Ang unti-unti nilang pag-asenso ay nagbunga ng pagkakaroon nila ng Copra Trading, at ang naitayong Sari-sari Store ay nadagdagan pa ng mga panindang bigas at feeds para sa mga alagang baboy.

Nito lamang Setyembre ay nakipagkawing ang DAR sa National Confederation of Cooperatives (NATCCO), isang bilyonaryong kooperatiba sa buong Pilipinas, upang mapalaki pa ang serbisyong naibibigay ng mga People’s Organizations (POs) sa mga magsasaka lalo na sa aspetong pinansiyal.

Apat na POs ang pinagpilian ng NATCCO na gawing partner nila, isa na dito ang SAFADECO sa mga napili nila. Agad ding ngkaroon ng pagtanggap ng mga magiging bagong opisyal ng kooperatiba at agad na sinimulan nito ang pagtatrabaho. Ilang mga barangay ang binisita ng mga opisyal ng SAFADECO upang magbigay ng Preliminary Membership Education Seminar (PMES) sa mga interesadong sumapi nang sa gayon ay mabenepisyuhan din ng mga serbisyong ibinibigay ng SAFADECO.

Kung dati ay apat lang na barangay ang maaaring sumali sa kooperatibang ito, ngayon ay bukas na rin ito sa buong lungsod ng Sorsogon at maging sa mga munisipyo ng Castilla at Casiguran.

Matapos pasinayaan kamakailan ang kanilang bagong tanggapan ay regular na ring nagsasagawa sa loob ng kanilang opisina ng PMES para sa mga interesadong maging kasapi ng SAFADECO.

Naghayag naman ng paghanga si DAR Sorsogon Provincial Head Roseller Olayres sa mga opisyal at kasapi ng koperatiba sa ipinakitatang tatag nito dahilan upang matamo nito ang tagumpay.

Nababagay umano sa kooperatiba ang pangalang Salvacion na nangangahulugang ‘Tagapagligtas’. “Binibiyayaan kayo sapagkat tinutulungan ninyo ang inyong kapwa na umasenso,” pahayag pa ni Olayres. (BARecebido, PIA Sorsogon/DAR) 

No comments: