Monday, November 5, 2012

Tsuper at pasahero ng mga sasakyan pinag-iingat



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Nobyembre 5 (PIA) – Mahigpit ang abiso ng mga awtoridad sa mga tsuper at pasahero ng mga sasakyan na pag-ibayuhin ang pag-iingat sa kanilang pagmamaneho at pagsakay sa maliliit man o malalaking sasakyan.

Ito ay matapos na makapagtala ng ilang mga aksidente sa kalsada dito sa Sorsogon sa pagpasok ng unang araw ng Nobyembre hanggang kahapon kung saan noong Nobyembre a-uno ay nabunggo ng isang Mega Bus Line mula Maynila patungong Bulan, Sorsogon ang isang Honda scooter sa Barangay Monbon, Irosin, Sorsogon, at isang Yamaha RS ang nahagip naman ng isang Isuzu Elf Truck sa Maharlika Hiway, Barangay Cumadcad, Castilla, Sorsogon.

Noong a-dos ng Nobyembre ay isang traysikel at isang motorsiklo ang nagbanggaan sa harap ng Matnog Municipal Building sa Brgy Camcaman, Matnog Sorsogon. Pawang minor injuries lamang ang natamo ng mga sangkot sa aksidente na agad namang nalapatan ng kaukulang lunas sa mga pinagdalhang ospital ng mga ito.

Subalit kahapon, isang motorsiklong may lulang tatlong pasahero at isang traysikel ang nagbanggaan sa Brgy Bibincahan, Sorsogon City, na naging sanhi ng kamatayan ng drayber ng motorsiklo.

Kaugnay nito, mahigpit ang abiso ng mga awtoridad sa mga tsuper na mag-ingat sa kanilang pagmamaneho sa kalsada at iwasan din ang overloading hindi lamang sa mga tsuper ng motorsiklo at traysikel kundi maging sa mga bus lalo pa’t dagsa pa rin ang mga pasaherong nais bumyahe patungong hilaga at timog na bahagi ng bansa.

Payo din ng mga awtoridad na iwasan ang pagsakay sa mga kolurom na mga sasakyan, maging ito man ay sasakyan sa kalupaan o sasakyang pandagat. Dapat din umanong tiyakin ng mga tsuper na nasa tamang kondisyon ang kanilang mga sasakyan bago ito gamitin.

Samantala sa naging tala ng Philippine Coast Guard (PCG) District Sorsogon umabot sa 13,199 ang bilang ng naging mga pasahero sa tatlong malalaking pantalan sa Sorsogon mula Oktubre 31, 2012 hanggang kahapon, Nobyembre 4, 2012, kung saan 8,749 sa kabuuang bilang na ito ay naitala sa pantalan ng Matnog. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments: