Monday, December 17, 2012

PNP nilinaw ang ilang probisyon sa pagkuha ng police security escort


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Disyembre 18 (PIA) – “Hindi awtorisadong magsilbi bilang security escort ng ilang mga pulitiko ang kasapi ng Philippine National Police (PNP),” ito ang paglilinaw ni PNP Sorsogon Provincial Director PSSupt John CA Jambora sa isang round table discussion kamakailan kung saan naroroon ang opisyal kasama ng ilang piling taga-media at mga tauhan ng Sorsogon Provincial Command.

Ayon kay Jambora, sa bagong probisyon ng Commission on Election 9695-A, hindi awtorisadong magbigay ng ekslusibong seguridad o ng security escort ng pulitiko ang mga tauhan ng PNP partikular sa mga Congressman, gobernador, bise gobernador, bokal, mayor, vice-mayor at mga konsehal ng munisipyo o lungsod. 

Aniya, yaong mga akreditado ng private security agency o mga private detective ang siyang awtorisadong maging security escort ng mga nabanggit na pulitiko, subalit dapat umanong mayroon itong mga espesyal na kasanayan at hindi dapat na tataas pa sa dalawa ang magbibigay ng seguridad.

Kaugnay nito, hinihikayat ng PNP ang mga pribadong indibidwal na sumailalim sa mga pagsasanay bilang mga lisensyadong security escort.

Ayon pa kay Jambora, kinakailangan ding mag-request ang pulitiko sa Comelec na kailangan niya ng security escort. Shotgun at 99mm pistol ang gagamiting armas ng idedetining security personnel.

Sa ilalim ng batas, ang Bise Presidente, Senate President, Speaker of the House, Supreme Court Chief Justice at ang Kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pinapayagang magkaroon ng protective security.

Ang Police Security and Protection Group (PSPG) ang siyang may mandatong magbigay ng protective security sa mga awtorisadong opisyal ng pamahalaan, foreign dignitaries at mga piling gusali ng pamahalaan. Ito rin ang tumutulong sa pagbibigay seguridad sa Pangulo at kasapi ng First Family.

Ang mga pribadong indibidwal na dating may mga matatas na posisyon sa bansa tulad ng dating presidente at bise presidente ng Pilipinas, balo ng mga dating presidente at mga dating PNP chief ay pinapayagan ding magkaroon ng police security.

Habang yaong mga indibidwal na nagnanais magkaroon ng police security escort ay dapat na patunayang mayroon silang mga aktwal na banta sa kanilang buhay at pamilya. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments: