LUNGSOD NG SORSOGON, Disyembre 19 (PIA) –
Tuluyan nang naibigay sa Bacon Self Help Group Federation, Inc. (BSHGFI) sa
pamumuno ni Ginang Redencion Dometita at sa pamahalaang lungsod ng Sorsogon sa
pamumuno naman ni City Mayor Leovic Dioneda ang mga proyektong pangkabuhayan na
ipinatupad ng Coastal CORE at pinondohan ng pamahalaan ng Espanya.
Ang ceremonial turn-over ay isinagawa noong
Biyernes, Disyembre 14, 2012 sa Brgy. Bogña, Bacon Sorsogon City kung saan
dinaluhan ito ng mga kasapi ng BSHGFI, ilang ahensya ng pamahalaan at iba pang
mga non-government organization na may malaking naiambag sa pagsasakatuparan ng
proyekto.
Naroroon sa aktibidad si Lea Fenix, Bicol
Coordinator ng Agencia Española de
Cooperacion Internacional Para El Desarollo (AECID), si Ginoong Alex Nayve, Bicol Coordinator ng Fundacion IPADE por Un Desarollo Humane
Sustenible at ang mga tauhan ng
Department of Trade and Industry (DTI) Sorsogon. Bagamat hindi nakarating ang
kinatawan ng Ministerio de Asunto
Exteriores y de Cooperacion ay kinilala din ang kanilang tulong na pederasyon.
Kasama sa ibinigay ng mga funding agency ay
ang mga gamit ng bantay-dagat, multipurpose hall at iba pang pasilidad para sa
kanilang paggawa ng mga handicraft na siyang pangunahing produkto ng BSHGFI.
Ang mga proyektong pangkabuhayan na
kasalukuyang pinagtutuunan ng BSHGFI ay ang paggawa ng mga produkto gamit ang
bariw o karagumoy gaya ng bayong, bag, banig, at marami pang iba. Gumagawa din
sila ng mga kalan na gawa sa clay o putik kung saan ang gamit na pang-gatong ay
ang “briquettes” na gawa sa shell ng pili nut.
Nagbigay ang AECID sa BSHGFI ng Php 200,000.00 bilang dagdag sa
revolving fund na ibinigay ng lokal na pamahalaang lungsod ng Sorsogon na
nagkakahalaga ng Php 200,000.00, kung kaya umabot sa kabuuang P400,000 ang
naging revolving capital ng BSHGFI. Naghayag din ng suporta ang DTI- Sorsogon
at nangako na magbibigay ng tinatawag na shared facility para sa kanilang
patuloy na pagpapa-unlad ng kanilang produktong handicraft.
Matapos ang turn-over, ang LGU-Sorsogon
City ang siya nang magiging tagasubaybay ng nasabing mga proyekto.
Ang BSHGFI ay isang organisasyong
pangkomunidad na binubuo ng mga indibidwal na residente ng Brgy. Bogña, Brgy.
Gatbo, Brgy.Salvacion, Brgy. Caricaran at Brgy. Bato.
Ang Coastal Core naman ay isang
Non-government Organization na tumutulong sa mga People’s Organization na
gustong paunlarin ang kanilang komuninad sa pamamagitan ng mga proyektong
pangkabuhayan alinsunod sa kakayanan ng
mga indibidwal at kung ano ang mga likas
na yaman sa isang lugar.
Nakapaloob sa 5-year development plan ng
Coastal CORE para sa bawat grupo ang mga pag-aaral para sa kaukulang mga
livelihood project, values formation, skills training at iba pang kasanayag may
kaugnayan sa natukoy ng proyekto ng bawat people’s organization.
Ang Coastal Core bilang tulay sa mga
pagsasagawa ng proyekto ng mga people’s organization ay umaasa na
maipagpapatuloy at mapauunlad ng BSHGFI ang mga proyektong pangkabuhayan na
naumpisahan na, at mapangalagaan din nila ang kanilang karagatan at kalikasan
sa pamamagitan ng kanilang mga naging pag-aaral at karanasan sa panahong
nakasama nila ang kanilang partner
agencies.
Ang
programa ng Coastal Core kasama ang AECID at Fundacion IPADE ay pormal na magtatapos sa
darating na Marso 2013. (JFuellos/BAR, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment