Monday, February 18, 2013

Check Point sa Sorsogon patuloy para sa ligtas at maayos na halalan 2013


Ni: FB Tumalad

LUNGSOD NG SORSOGON, Pebrero 18 (PIA) – Muling nanawagan kamakailan sa publiko lalong-lalo na sa mga Sorsoganon si Police Provincial Operations Section Chief Police Supt. Arturo Brual Jr. na kusang loob na isuko sa kanilang istasyon ng pulisya sa ibat-ibang munisipyo sa lalawigan ng Sorsogon ang mga itinatagong baril ng mga ito na walang kaukulang lisensya.

Siniguro ng opisyal na bibigyan ng resibo ang bawat transakyon ng bawat baril na isusuko sa kanilang tanggapan at kusa rin nila itong ibabalik sa oras na maisyuhan nila ito ng permit.

Ayon pa kay Brual tuloy-tuloy din ang pagsasagawa nila ng mga  check point kasama ang Comelec sa ibat-ibang lugar sa probinsya para masigurong walang makakalusot na mga baril na posibleng magamit sa anumang karahasan sa darating na halalan 2013.

Handang-handa na rin ang buong puwersa ng Sorsogon Police Provincial Office na gawin ang lahat para sa epektibong pagpapatupad ng Secured and Fair Election upang makamit ang maaayos at mapayapang halalan sa Mayo 2013.

Samantala, naghahanda na rin ang iba’t-ibang ahensyang may kaugnayan sa pagpapatupad ng kaayusan sa mga pantalan at mga lansangan sa muling pagbubukas ng bakasyon o Semana Santa sa ikaapat na linggo ng Marso.

Base sa inisyal na ulat ng Sorsogon Police Provincial Office walang anumang naitalang untoward incident sa probinsya ng Sorsogon kaugnay ng mga aktibidad sa halalan. (FB Tumalad, PIA Sorsogon)

No comments: