Tuesday, February 19, 2013

LGU-Sta Magdalena bubuo ng Multi-Sectoral Check-point



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Pebrero 19 (PIA) – Higit pang pinaiigting ngayon ng pamahalaang bayan ng Sta. Magdalena ang kanilang kampanya laban sa anumang mga ilegal na gawain sa kanilang bayan.

Kaugnay nito isang Multi-Sectoral Check-point ang nakatakdang buuin ng LGU-Sta Magdalena sa pamumuno ni Mayor Alejandro E. Gamos.

Ayon sa alkalde, hiningi nila ang tulong ng iba’t-ibang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Philipine National Police (PNP), Philippine Army (PA), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Coconut Authority (PCA), Philippine Information Agency (PIA); lokal na sangay ng pamahalaan tulad ng Provincial Environment and Natural Resources – LGU, Liga ng mga Barangay at iba pang mga LGU; at ang media sa pamamagitan ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas – Sorsogon Chapter.

Bahagi umano ito ng ginagawa nilang pangangalaga sa kanilang mga likas na yaman at ng kanilang pagganap sa kanilang responsibilidad para sa susunod na mga henerasyon.

Partikular na tinukoy ng alkalde ang kalsadang pinaghuhugpungan ng Brgy. Penafrancia at San Sebastian na dapat malagyan ng check-point kung saan dito madalas na dumadaan ang mga nagbibyahe ng mga ilegal na punong pinutol at mga ilegal na huling lamang-dagat.

Bawat isang kasapi ay may kani-kaniyang mga papel na gagampanan upang mas maging epektibong maipatupad ang gagawing panghuhuli ng mga gumagawa ng ilegalidad.
Positibo ang alkalde na sa pamamagitan ng pagbubuo ng multi-sectoral check-point ay hindi makalulusot ang mga katiwaliang nais nilang matuldukan. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: