Monday, February 25, 2013

Kampanya sa 4Ps at kampanya laban sa mga EPAL pinaiigting ng DSWD



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Pebrero 21 (PIA) – Patuloy na pinaiigting ng Department of Social Welfare and Development ang kanilang kampanya ukol sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o mas bantog sa tawag na 4Ps at ang pagkondena nito sa mga mapapel (EPAL) na pulitiko lalo pa’t nalalapit na ang kampanya at halalan.

Ito ay bunsod ng ilang mga kontorbersyang kinasangkutan ng programa nitong mga nakaraang araw na nagbigay din ng kalituhan sa ilang mga benepisyaryo at iba pang mga kasapi ng komunidad sa mga barangay.

Ayon kay Agnes Mayor, Information Officer ng 4Ps, tuwing araw ng Biyernes ay ilang mga kinatawan nila ang pumupunta sa Sorsogon upang magsahimpapawid ng mga mahahalagang kaalaman na makatutulong upang lubos na maintindihan ng publiko ang 4Ps lalo na yaong mga benepisyaryo nito nang sa gayon ay hindi ito basta-basta maniniwala sa kung anumang mga haka-haka o panlilinlang na gagawin sa kanila.

Namamahagi din sila umano ng mga babasahin kung saan nakasaad ditong dapat na alamin ng mga benepisyaryo ng 4Ps ang kanilang mga karapatan at sundin ang mga alituntunin at kondisyon ng programa.

Tanging ang benepisyaryo at DSWD National at Regional Office lamang ang maaaring magtanggal sa kanila sa listahan at hindi ang kung sino man maging opisyal man ito sa barangay o iba pang LGU.

Karapatan din umanong matanggap ng benepisyaryo ng 4Ps ang mga benepisyong pang-edukasyon at pangkalusugan, subalit kinakailangang sumunod ang mga ito sa itinakdang mga alituntunin.

Sa pamamagitan ng Compliance Verification System (CVS), sinusubaybayan ng Municipal Link sa pakikipagtulungan sa mga guro at health workers ang pagsunod ng mga benepisyaryo sa itinakdang alituntunin ng programa.

Malinaw din umano na ang paglabag sa kondisyon at alituntunin ng programa ang tanging makapag-aalis ng isang benepisyaryo sa masterlist ng 4Ps.

Kung kaya’t hinihikayat ng pamunuan ng DSWD ang sinuman na magsumbong sa DSWD sakaling mayroong mga nananakot, nagdidikta, nagbibigay ng maling impormasyon o mga EPAL (mapapel) na nagsasabing tatanggalin sa listahan ng 4Ps ang isang benepisyaryo kung hindi ito at ang pamilya nito susuporta o boboto sa isang pulitiko. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments: