Monday, March 4, 2013

Inspeksyon sa mga fire hydrants at iba pang mga aktibidad gagawin ng BFP Central Fire Station


FIRE HYDRANT (en.wikipedia.org)
Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 4 (PIA) – Matapos ang isinagawang Unity Walk Kick-off Ceremonies noong nakaraang Biyernes, Marso 1, 2013, ilan pang mga aktibidad ang ginagawa ngayon ng Bureau of Fire Protection (BFP) Sorsogon City Central Fire Station kaugnay ng obserbasyon ng Fire Prevention Month ngayong Marso.

Ayon kay Sorsogon City Fire Marshall SInsp Walter B. Marcial, nagsagawa din sila noong nakaraang Biyernes ng programa sa radyo na tinagurian nilang “Bumbero sa Radyo” kung saan tinalakay nila ang mga nakalinyang aktibidad nila ngayong Marso sa ilalim ng temang “Sunog at Sakuna ay Paghandaan, Kalikasan ay Pangalagaan ng Matamasa ang Pag-unalad ng Bayan”.

Kanina ay sinimulan na rin nila ang pag-inspeksyon ng mga fire lane at fire hydrants upang matiyak na maayos at gumagana ang mga ito at pipintahan na rin nila upang madaling makita ito ng publiko.

Mula March 4 hanggang March 6, 2013 ay nakalinya din ang ilan pang aktibididad tulad ng Fire Safety Re-inspection sa Abuyog Elementary School, inspeksyon ng ilang mga kompanya sa Sorsogon City at pakikipag-ugnayan sa mga Barangay.

Isang tree planting activity sa Brgy. Balogo at re-ispection ng Abuyog National High School ang gagawin ng mga tauhan ng BFP Sorsogon City sa Marso 7, 2013, habang sa Biyernes ay nakatakda namang gawin ang kanilang Ugnayan sa Barangay Burabod, Fire drill sa Villanueva Institute sa Bacon District, Fire at Earthquake Drill at feeding activity sa Brgy. Abuyog sa East District.

Ang nasabing mga aktibidad ay bahagi pa rin ng kanilang adbokasiya na gawing ligtas mula sa sunog at iba pang mga emehensiyang sanhi ng sunog ang mga komunidad sa lungsod ng Sorsogon. (BARecebido, PIA Sorsogon)



No comments: