Wednesday, March 27, 2013

LDRRMC naka-Blue Alert, “Lakbay Alalay” 2013 ipinatutupad



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 27 (PIA) – Nakablue alert status simula pa noong Lunes ang tauhan ng mga Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDDRMC) sa lalawigan kasama na ang Emergency Response at Search and Rescue Services Team ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (SPDRRMO) bilang paghahanda sa anumang mga emerhensya ngayong Semana Santa.

Ito ay nangangahulugang naka-standby o nakahanda mula Marso 25 hanggang Abril 1, 2013 ang iba’t-ibang mga Disaster Operation Center sa buong lalawigan na tumanggap ng mga ulat at magbigay ng kaukulang tulong partikular sa mga motorista at maging sa sinumang malagay sa mapanganib na sitwasyon.

Ayon kay SPDRRMO Chief Raden Dimaano, unan na nilang isinagawa ang pakikipagpulong sa mga kasapi ng Emergency Response at Search and Rescue Services Team ng mga munisipalidad at lungsod upang mabigyan ito ng mga paalala at kaukulang impormasyong sa pagpapatupad ng “Oplan Lakbay Alalay” 2013.

Patuloy din umano ang kanilang pagsubaybay at pagpapaabot ng impormasyon kaugnay ng lagay ng panahon ngayong linggo nang sa gayon ay mabigyan din ng babala ang publiko at makapaghanda anuman ang maging lagay nito.

Kasama din sa kanilang mga hakbang ang pinaigting na pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng pamahalaan partikular sa mga government utiityagency tulad ng Department of Public Works and Highways, Sorsogon Electric Cooperative at Water District.

Handa na rin umano ang mga gamit at rekursong pang-emerhensya sakaling may mangailangan nito tulad ng paramedics, gamit sa pagsalba ng buhay at maging ng ari-arian man, mga heavy equipment at generator, pati na rin ang mga radyong gagamitin para sa agarang komunikasyon.

Naglagay din umano sila ng mga tarpaulin sa mga itinakdang Field Operation Center tulad ng Pepita Park sa Brgy. Bucalbucalan, West District, Sorsogon City at sa Multi-purpose Brgy. Hall sa San Pedro, Irosin, Sorsogon.

Umaasa naman si Dimaano na makikiisa ang publiko sa kampanya ng mga awtoridad nag awing maayos at mapayapa ang obserbasyon ng Semana Santa ngayong taon. Maari din umanong kontakin ang numerong 211-2040; 2113591 para sa telepono at (0928) 9694043 at (0906) 5061929 sa mga gumagamit naman ng cellphone. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: