Wednesday, October 16, 2013

Participatory Governance palalakasin sa Sorsogon City katuwang ang CSOs


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, OKtubre 15 (PIA) – Sinuportahan ng Department of Interior and Local Government (DILG) at ng pamahalaang lungsod ng Sorsogon ang ginanap na kauna-unahang pagtitipon ng 27 mga kasapi ng iba’t-ibang Civil Society Organization (CSOs) noong Oktubre 11 hanggang Oktubre 12, 2013.

Pinangunahan ito ng Integrated Rural Development Foundation (IRDF), Inc. kung saan nilayon nitong himukin ang mga CSOs na patuloy na palakasin ang buong pwersa upang tuloy-tuloy na mapaigting ang kanilang partisipasyon sa lokal na pamamahala.

Sa pamamagitan ng mga workshops ay nailatag ang estado ng mga CSO sa Sorsogon sa kasalukuyan. Sa ilalaim ng tinalakay na “opportunities”, natukoy ang malakas na suporta ng city government sa pangunguna ni Mayor Sally Lee sa mga adhikain ng CSOs lalung-lalo na sa isinusulong nitong participatory governance kung saan isa ang CSOs sa may mahalagang naitutulong.

Ayon kay Mayor Lee, nais niyang maging katuwang ang mga CSO sa pagtaguyod ng kaunlaran sa lungsod sa pagpapatupad niya ng participatory at shared governance.

Sa kabilang banda naman, ang pagpapa-accredit ang lumitaw na isa sa malaking “weakness” o kahinaan ng kalahatan ng mga CSO dahil sa kakulangan ng impormasyon patungkol dito at kakulangan ng pondo para sa accreditation fee na limandaang piso.
           
Samantala. sa isa pang workshop, nabuo ang CSO agenda na nahahati sa iba’t-ibang sektor na kinabibilangan ng mga sumusunod: farmers at fisherfolk, economic, disaster risk reduction, urban poor, youth and children, women, at persons with disabilities. Ang CSO agenda na ito ay isinusulong upang maisama sa binubuong Executive Legislative Agenda (ELA) ng city government. (BARecebido, PIA-5/Sorsogon/IRDF)

No comments: