Tuesday, February 8, 2011

Mga barangay sa Juban makakatanggap ng cash grant mula sa OPAPP


News Release

Sorsogon City, (PIA) – Dalawang-daan limampung libong piso ang matatanggap ng bawat barangay sa bayan ng Juban, Sorsogon mula sa Office of the Prresidential Adviser on thePeace Process dahilan sa pagiging beneipisyaryo at sa pagpapatupad na rin nito ng KALAHI-CIDDS program.

Ito ang ipinahayag ni OPAPP Usec Luisito G. Montalbo sa ginanap na isang araw na Sorsogon Consultation and Planning on PAMANA o ang Payapa at Masaganang Pamayanan.

Ayon kay Montalbo, aabot ng 6,250 milyong piso sa kabuuan ang matatanggap ng dalawampu’t limang mga barangay sa Juban.

Naging emosyonal at malaki naman ang naging pasasalamat ni Juban mayor Jimmy Fragata sa naging pahayag na ito ni USec Montalbo.

Ayon kay Fragata, malaking tulong ito sa kanilang bayan at sa mga naninirahan dito lalo na sa pag-ahon ng ekonomiya at pisikal na kondisyon ng Juban matapos ang pinsalang dinala ng mga naging pagbaha sa ilang mga barangay doon.

Dagdag pa niya na ang patuloy na pag-uulan ay nakaapekto sa kanilang mga sakahan, mga produktong agricultural, mga kalsada at iba pang mga imprastruktura.

Ayon pa sa alkalde ang pagmamalasakit na ipinapakita ng administrasyon ni Pangulong Aquino upang agarang matugunan ang sitwasyong tulad ng sa kanila ay indikasyon lamang ng tunay na hangarin ng pamahalaan na tugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan.

Sinabi naman ni Montalbo na nasa proseso na rin ngayon ang pagpapalabas ng pondo upang agaran na itong maibigay sa mga baranagay. (Bennie A. Recebido/PIA Sorsogon)

No comments: