Tuesday, February 8, 2011

Phil. Army Commander bumisita sa SPDRMO


Sorsogon City, (PIA) – Bilang tanda ng patuloy na pakikiisa ng Armed Forces of the Philippines sa kampanya ng lokal na pamahalaan ng Sorsogon laban sa mga kalamidad, personal na sinadya ni Col. Felix J. Castro, 903rd Infantry Brigade Commander ng tanggapan ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Management Office upang makipagpulong kay PDRMO OIC head Jose Lopez..

Si Col. Castro ang humalili kay Col. Joselito P. Bernardo bilang bagong Infantry Brigade Commander dito sa lalawigan.

Maliban kay Col. Castro, ay naroroon din sa pulong ang ilan pang mga opisyal ang ilan pang mga opisyal ng Philippine Army na nakabase dito sa lalawigan.

Ayon kay Col. Castro, bilang support agency, mahalaga diumano sa kanilang hanay ang assessment ng bawat insidente na mayroong kaugnayan sa kalamidad. Gayundin ang mga gagawing kahandaan at higit sa lahat ay ang pagtukoy sa papel na gagampanan ng mga sundalo ayon sa katangian nito.

Inihalimbawa ng army official ang mga kasanayan ng AFP pagdating sa medical assistance, crowd control, security at evacuation measures.

Kaugnay nito, ipinakita ni Jose Lopez sa mga army officials ang flood at landslide hazard maps ng mga apektadong bayan na malapit sa paanan ng Mt. Bulusan, partikular na ang ilang mga ilog sa Juban at Irosin na kalimitang daanan ng lahar, subalit nilinaw niyang sa mga naging aktibidad ng Mt. Bulusan, wala diumanong naitalang malalaking pinsala ang bulkan.

Ipinaliwanag din ni Lopez ang sistemang ipinatutupad ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) at ang ginagawang paggabay nito sa mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Councils (MDRRMC) sa pamamagitan ng bawat lokal na pinuno sa kanilang lugar.

Tiniyak naman ni Castro sa SPDRMO ang patuloy na pakikiisa ng Philippine Army at ang kahandaan nitong tumulong sakaling may kalamidad dito sa lalawigan. (Von Labalan, PIO SPDRMO/PIA)

No comments: