Thursday, November 24, 2011

Comelec muling nanawagan sa mga botante na i-validate ang kanilang voter’s registration


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 23 (PIA) – Dapat na i-validate ng mga botante ang kanilang mga datos sa Commission on Election (Comelec) kung saan sila rehistrado.

Ito ang apela ni Sorsogon City Election Supervisor Atty. Ryan Filgueras sa sakop na mga rehistradong botante ng Commission on Election.

Aniya ang validation ay bahagi ng pagsasaayos ng sistema ng botohan sa bansa sa pamamagitan ng sistemang biometrics registration of voters kung saan aayusin ang mga datos, thumbmark, pirma at larawan ng botante sa pamamagitan ng biometrics machine.

Ayon kay Filgueras, mahalagang personal na magsadya sa kanilang tanggapan at magpa-validate ang mga rehistradong botante upang matiyak na mapapabilang ang mga ito sa database ng Commission on Election at matitiyak na makaboboto silang muli sa susunod na eleksyon.

Sa datos, 74,088 ang bilang ng mga rehistradong botante ng Sorsogon City Comelec subalit sa kanilang tala noong Oktubre 2011 ay may 36,826 pa ang dapat na ma-validate. Kung kaya’t mahigpit ang panawagan ng City Comelec na agad nang bumisita sa kanilang tanggapan yaong hindi pa nakakapagpa-validate hanggang sa ngayon.

Itinakda ang huling araw ng validation sa Oktubre 31, 2012 alinsunod sa Comelec Resolution No. 9168 subalit sinabi ni Filgueras na hindi na dapat pang hintayin ang deadline o makipagsiksikan para lamang makahabol sa deadline. Aniya, tamang panahon na ngayon na bumisita ang mga botante at magpa-validate sa mga tanggapan ng Comelec.

Maliban sa validation ng mga botante, patuloy din ang Comelec sa pagtanggap ng magpapatalang mga bagong botante na may edad na labingwalong taong gulang, pagpalipat ng registration record, re-activation, pagbago at pagtatama sa mga datos sa registration record ng mga botante at iba pa. (PIA Sorsogon)

No comments: