Friday, November 25, 2011

Geothermal exploration sa Bulusan pinigilan ng Sangguniang Bayan


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, November 25 (PIA) – Inaprubahan na ng mga kasapi ng Sangguniang Bayan ng Bulusan noong ika-14 ng Nobyembre ang isang resolusyon na magbabawal sa geothermal project at exploration na iminumungkahi ng Department of Energy (DoE) at ng ka-partner nitong Summa Kumagai Industries (SKI) sa 3,673.29 na ektaryang deklaradong protected area ng Bulusan Volcano Natural Park.

Ang Resolution No 55-2011 ay inakda nina Councilor Celestino Frades at Councilor Pedro Frando kung saan nakapaloob dito ang pagbabawal ng geothermal exploration at pagtatayo ng geothermal project sa nasabing teritoryo.

Ginamit na basehan sa ginawang resolusyon ang Republic Act 7586 o ang batas ukol sa protected area system, ang National Integrated Protected Area System Act (NIPAS Act), ang kanilang Comprehensive Land Use Plan (CLUP), istratehiyang ekolohikal at ang mahigpit na pagtutol ng mga Buluseño sa gagawing proyekto sa kabila ng mga public consultation na ginawa ng DoE at SKI.

Matatandaang ilang mga grupong makakalikasan, cross-oriented group, simbahan at mga lokal na residente ang naghayag ng kanilang hindi pag-sang-ayon sa geothermal project at exploration na ito. Maging sa mga social networking site ay inihayag din ang kanilang pagtutol sa nasabing proyekto.

Samantala sa tatlong mga bayan na maaaring maapektuhan ng geothermal exploration na kinabibilangan ng Bulusan, Irosin at Juban, tanging ang Juban lamang ang naghayag ng pagsang-ayon sa proyekto.

Tiniyak naman ng Doe na sa kabila nito ay magpapatuloy pa rin sila sa pagsasagawa ng dayalogo at pagpapalawak ng impormasyon sa mga komunidad upang makumbinsi ang mga residente na ang enerhiyang hango sa geothermal ay napapalitan at hindi makasisira sa kalikasan. (fej,BT/PIA Sorsogon)


No comments: