Thursday, November 24, 2011

Ikalawang anibersaryo ng Maguindanao massacre gugunitain


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 23 2011 – Sa paggunita ng ikalawang taon ng Maguindanao massacre, nakatakdang magtipon-tipon ngayon, Nobyembre 23, ang mga kasapi ng lokal na tri-media dito sa Sorsogon upang maglunsad ng torch parade at magsagawa ng isang misa at maikling programa   sa Provincial Capitol Compound, alas-kwatro y medya ng hapon.

Ayon kay National Union of Journalists in the Philippines (NUJP) Sorsogon Chapter Chair Bobby Labalan na siya ring nag-organisa ng aktibidad, layunin nitong ipaabot ang kanilang panawagan para sa kaparusahan ng mga may sala at hingin sa pamahalaan na mabigyang proteksyon ang mga mamamahayag laban sa ganitong mga uri ng brutalidad.

Inimbitahan nila umano ang mga paaralan, cross-oriented groups, religious organizations, lahat ng mga kasapi ng lokal na media, at bukas din ito sa lahat ng mga nais makiisa sa kanilang adhikain.

Dagdag din niya na hindi lamang sa Sorsogon magkakaroon ng aktibidad sa paggunita sa ikalawang anibersaryo ng Maguindanao massacre kundi maging sa iba pang bahagi ng bansa sa pangunguna rin ng mga media organization.

Matatandaang ang Maguindanao massacre ang pinakanotoryus na insidente ng pagpaslang na naganap sa kasaysayan ng bansa kung saan limampu’t walong mga sibilyan ang sapilitang kinuha at brutal na pinatay dahil sa pulitika sa Maguindanao. Tatlumpu’t-dalawa sa mga pinaslang ay mga kasapi ng media dahilan upang mabansagan ang Pilipinas bilang pinakamapanganib na bansa sa buong mundo para sa mga mamamahayag noong 2009.

Sa usad pagong na paggalaw ng kaso, limampu’t walong kaso ng murder ang naisampa, isang-daan siyamnapu’t pito ang naakusahan at limang-daan ang iprinisintang witness na nakatakda pa ring magbigay ng kanilang testimonya.

Sa ikalawang taong anibersaryo ngayong araw, patuloy pa ring naghihintay ang lahat lalo na ang mga kamag-anak ng biktima ng hustisya sa brutal na pagpatay at paglabag sa karapatang pantao ng mga biktima ng Maguindanao massacre. (mah/PIA Sorsogon)

No comments: