Thursday, January 5, 2012

Gubat National High School popondohan ng mahigit P20-M


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, January 5 (PIA) – Naghayag ng malaking kasiyahan si Gubat Municipal Mayor Ronnel Lim matapos na mapaglaanan ng pondo ang Gubat National High School.

Ayon sa ulat, aabot sa P27-M ang inilaang pondo para sa personal services habang aabot naman sa P2 milyon ang pondong inilaan para sa maintenance at iba pang operational services ng nasabing paaralan ngayong taon.

Ayon sa alkalde, ang nasabing pondo ay galing sa General Appropriations Act na magbibigay ng malaking tulong para sa nasabing paaralan.

Matandaang ilang ulit na ring napatunayan ng Gubat National High School ang galing ng kanilang mga mag-aaral sa larangan ng pakikipagtagisan ng kaalaman sa ibang mga paaralan hindi lamang sa bayan ng Gubat kundi maging sa labas ng lalawigan.

Isa na dito ang pagkakapanalo ng mga mag-aaral nito sa isinagawang final showcase ng Project Citizen: Promoting Democratic Values in Sorsogon.

Ang Project Citizen ay isang research-based project para sa mga kabataan na tinutulungan ng Spanisg government. Sinasanay nito ang mga mag-aaral sa larangan ng policy development at art of lobbying.

Mula sa mga natutunan nila ay maaari nang sila na mismo ang gumawa ng policy advocacy o di kaya’y alternatibong solusyon na maipiprisinta nila sa kani-kanilang mga opisyal sa barangay kung saan sila kabilang. (PIA Sorsogon)


No comments: