Friday, January 6, 2012

Matumal na bentahan sa mga groserya at palengke naobserbahan ng DTI


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, January 6 (PIA) – Aminado ang Department of Trade and Industry Sorsogon na naging matumal ang bentahan sa mga groserya at palengke kahit ng mga noche buena products at iba pang mga produkto nitong nakaraang pasko at bagong taon.

Ayon kay DTI Sorsogon Consumer Welfare Desk Chief Evelyn Paguio na maging siya mismo bilang kasama sa price monitoring task force at isang ina ay naobserbahan na ang ilang mga branded products na kadalasang hinahanap ng mga kunsumidor ay hindi na halos nakitang nakadisplay sa mga pangunahing tindahan ng groserya.

Aniya, mas pinili na lamang umano ng mga negosyante na huwag na lamang kumuha ng stock ng ilang mga produkto para sa nakaraang bagong taon dahilan na rin sa karanasan nila ng bentahan noong kapaskuhan.

Halos mga bagong uri ng brand ang nakita sa mga groserya at palengke habang ilan din ang nagbagsak presyo at ginawang buy-one take-one ang ilang mga produkto mabili lamang ang mga ito.

Aniya, maliban sa talagang mahirap ang naging pagpasok ng pera nitong nakaraang okasyon, naging salik din ang pabago-bagong panahon dahilan upang halos ay tamarin na rin ang ilang mga residente na lumabas at mag-shopping.

Dagdag pa niyang may ilan ding naghayag na natatanggap pa lamang din nila ang kanilang Christmas incentives kung saan halos ay patapos o tapos na ang okasyon.

Subalit magkaganon man ay positibo pa rin ang pamunuan ng DTI Sorsogon na mas magiging maganda ang bentahan at negosyo ngayong taong 2012 at mamamantini pa rin ang halaga ng mga bilihin o kung hindi man ay magkakaroon lamang ng kaunting pagtaas sa mga halaga nito. (PIA Sorsogon)


No comments: