Thursday, January 5, 2012

Ordinansa kaugnay sa paggamit ng mga paputok iminumungkahi


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, January 5 (PIA) – Malaki ang naging pasasalamat ni Sorsogon City Police Chief PSupt Edgardo Ardales sa publiko sa naging positibong pagtugon nito upang maging matagumpay ang kampanya laban sa paggamit ng paputok noong nakaraang selebrasyon ng kapaskuhan at pagsalubong sa bagong taon.

Sinabi ni Ardales na kahit pa nga wala silang naitalang kaso ng mga naputukan hindi lamang sa lungsod kundi maging sa buong lalawigan, hindi pa rin nakatitiyak na sa mga susunod na pagdiriwang ay masusutinihan ang ganitong malinis na rekord.

Kaugnay nito, sinabi niyang dapat na magkaroon ng mas malinaw at komprehensibong mga patakaran upang tuluyang maisabuhay ng indibidwal na mga Sorsoganon ang pag-iwas sa paggamit ng paputok sa mga panahong may pagdiriwang tulad ng pasko at bagong taon.

Aminado ang opisyal na ang pagpapaputok ay bahagi na ng tradisyon ng mga Pilipino subalit mas dapat umanong iprayoridad ang kaligtasan ng buhay ng bawat isa.

Pinaboran din ni Ardales ang ginawang istratehiya ng lokal na pamahalaan ng Davao kung saan nagpatupad ito ng total ban sa paggamit ng mga paputok doon.

Nais umano niyang matularan ang sistemang ito kung kaya’t iminumungkahi niya sa mga lokal na mambabatas sa lungsod ng Sorsogon na magpasa ng resolusyon o magkaroon ng ordinansa kaugnay ng total ban sa mga paputok at pagpapaputok.

Aniya, mas maganda ring magkaroon ng batas pambansa ukol sa paggamit ng mga paputok na maisasakatuparan sa pamamagitan ng legislative branch ng national government. (PIA Sorsogon)

No comments: