Wednesday, February 29, 2012

Iba’t-ibang mga aktibidad tampok sa pagdiriwang ng Civil Registration Month


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Pebrero 29 (PIA) – Matapos ang ginawang paglilibot sa mga paaralan ng mga tauhan ng National Statistics Office (NSO) Sorsogon upang magsagawa ng mga symposium at lecture-orientation, isang patimpalak sa paggawa ng poster ang naghudyat ng pagtatapos ng pagdiriwang ng Civil Registration Month dito. Ito ay upang maipaabot sa mga mag-aaral at mga guro ang kahalagahan sa pamahalaan ng pagpaparehistro ng kapanganakan, kasal at pagkamatay ng isang indibidwal.

Ayon kay NSO Sorsogon Provincial Statistic Officer Elvira Apongol inimbitahan nila ang mga mag-aaral sa pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod at ilan pang mga paaralan sa iba pang munisipalidad ng Sorsogon kung saan tig-dadalawang mga mag-aaral ang lumahok bilang mga kinatawan ng kanilang paaralan.

Matatandaang sa bisa ng Presidential Proclamation Bilang 682 na nilagdaan ng noo’y Pangulong Corazon C. Aquino, idineklara ang Pebrero bawat taon bilang Civil Registration Month. Una nang sinimulan ang sistema ng pagpaparehistro sa bansa noong ika-27 ng Pebrero 1931 sa bisa ng Batas 3753 na nag-aatas sa patuloy at kumpulsaryong pagtatala ng mga kapanganakan, kasal, pagkamatay at iba pang mga pangyayaring may kaugnayan sa estadong sibil ng isang indibidwal.

Naging tema ng pagdiriwang ngayong taon ang “Ang Tamang Rehistro, Pananagutan ng Bawat Pilipino,” na nagsisilbing paalala sa lahat ng mga Pilipino na dapat na iparehistro ang kapanganakan, kasal at pagkamatay ng isang indibidwal at ang kahalagahan ng pagbibigay ng tamang datos sa kanilang rehistro upang naiiwasan ang anumang mga pagkakamaling maaring makasagabal sa personal na pag-unlad at sa mga benepisyong maaaring makuha ng mga ito sa hinaharap.

Maliban sa paglilibot sa mga paaralan at pagsagawa ng patimpalak, nagkaroon din ng kasalang-bayan sa Prieto Diaz, Magallanes at Bulan at pinangunahan din ng mga Municipal Statistics Office ang mobile registration sa kani-kanilang mga nasasakupang bayan.

Dagdag pa ni Apongol na may mga nakatakda rin silang aktibidad kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan ngayong Marso 2012 at patuloy din nilang pinaiigting ang pakikipagtulungan sa iba pang mga ahensya ng pamahalaan at mga non-government organization upang maipatupad nila nang lubos ang mga programa ng National Statistics Office. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: