Thursday, March 8, 2012

PGADC, CVO, City BFP magsasagawa ng magkakahiwalay na mga aktibidad ngayong araw

Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Marso 8 (PIA) – Matapos na maging abala ang mga debotong katoliko kahapon kaugnay ng pagdating ng relikya ni Santa Clara ng Assisi, abala naman ngayon ang mga organisasyon ng kababaihan sa lalawigan at ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Sorsogon sa pangunguna ng City Veterinary Office at Bureau of Fire Protection.

Sa panig ng mga kababaihan, pinangungunahan ng bawat Municipal Gender Advocacy and Development Council (MGADC) ang mga aktibidad para sa pagdiriwang ngayong araw ng International Women’s Day.

Kabilang sa mga aktibidad ay ang pagtalakay sa mga batas na pumuprotekta sa mga kababaihan sa lokal na istasyon ng radyo dito at pagsagawa ng Inter-Municipal Dialogue partikular sa bayan ng Casiguran kung saan bibigyang diin sa talakayan ang papel na ginagampanan ng mga kababaihan sa pagbawas ng mga epekto at panganib dala ng Climate Change at kung papaanong gamitin ng tama ang social networking gamit ang mga modernong gadyet tulad ng computer at cellphone, lalo sa mga panahong may kalamidad at sa pagpapaiigting ng kahandaan bago pa man dumating ang kalamidad o sakuna.

Matatandaang idineklara ng United Nations ang Marso 8 bilang International Women’s Day upang magbigay pugay sa kontribusyon ng mga kababaihan sa pamilya, sa lipunan at sa buong mundo hbang sa Pilipinas naman ay ipinagdiriwang ang Araw ng Karapatan ng mga Kababaihan at Araw ng Pang-internasyunal na Kapayapaan tuwing ika-8 ng Marso sa bisa ng Proclamation No. 224 na nilagdaan noong Marso 1, 1988. Deklarado din ang petsang Marso 8 bawat taon bilang working special holiday na tatawaging Pambansang Araw ng mga Kababaihan sa ilalim ng Republic Act 6949 na nilagdaan noong ika-10 ng Abril, 1990. Ang nasabing mga batas ay pawang nilagdaan ni dating Pangulong Corazon C. Aquino.

Samantala, abala din ang Sorsogon City Veterinary Office sa kanilang “Love Dog Day” activity bilang bahagi ng Rabies Awareness Month observance ngayong buwan ng Marso sa pakikipagkawing sa Provincial Veterinary Office at mga beterinaryo galing sa Department of Agriculture region 5, kung saan isasagawa din nila ang mga aktibidad ngayon upang mapangalagaan ang mga ‘pet dogs’ at maiiwas ito sa pagkakaroon ng rabis tulad ng libreng pagbabakuna, nail at hair trimming, castration, spaying at iba pang mga serbisyong kailangan ng mga alagang aso.

Sa panig naman ng Bureau of Fire Protection Sorsogon City Central Fire Station ay nagsasagawa din ngayong araw ng fire safety inspection sa ilang mga paaralan sa lungsod at feeding program sa komunidad ng Gawad Kalinga sa Brgy. Guinlajon. Ayon kay FO3 Dante Ditan, katuwang ang Philippine National Police, boluntaryong nagbigay ng kani-kanilang mga kontribusyon ang mga tauhan ng BFP Sorsogon City upang mapakain ang isangdaang residente ng GK village. Bago ang aktwal na feeding activity ay magsasagawa sila ng fire prevention seminar at iba pang mga safety tips sa panahong may sunog at lindol at mga dapat gawin matapos ang mga pangyayaring tulad nito. Mag-iiwan din sila umano ng mga safety tips flyers at leaflets upang hindi makalimutan ng mga residente ang itinuro nila. (BARecebido, PIA Sorsogon)




No comments: