Wednesday, March 7, 2012

Publiko muling pinaalalahanan laban sa bagsik ng rabis


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Marso 7 (PIA) – Idineklara ang buwan ng Marso bilang Rabies Awareness Month alinsunod sa Republic Act No. 9482 na nilagdaan noong ika-25 ng Mayo, 2007. Naglalayon itong pukawin ang kamalayan ng publiko ukol sa pagsugpo sa pagkalat ng nakamamatay na rabis sa pamamagitan ng tamang edukasyon at pagababakuna sa mga alagang hayop.

Matatandaang kumpara noong 2011, dalawang insidente lamang ng rabis ang naitala sa panghuling kwarter ng taon, subalit sa pagpasok ng 2012, sa unang kwarter pa lamang ay nakapagtala na agad ng tatlong insidente ng rabis. Isa dito ay naitala sa bayan ng Bulan noong Enero habang tig-iisang kaso naman sa Brgy. Balogo, Sorsogon City at Central, Bulusan, Sorsogon nito lamang Pebrero.

Kaugnay nito, sinabi ni City Veterinarian Dr. Alex Destura na magsasagawa bukas ang Sorsogon City Veterinary Office ng iba’t-ibang mga aktibidad sa ilalim ng tinagurian nilang “Love Dog Day” upang mapangalagaan ang mga alagang aso at maiiwas ito sa pagkakaroon ng rabis. Kasabay sa aktibidad ang libreng pagbabakuna, nail at hair trimming, castration, spaying at iba pang mga serbisyo.

Hindi lamang umano sa buwan ng Marso, kundi year-round nilang ginagawa ang pagbabakuna ng mga aso at panghuhuli ng mga asong gala na nagbibigay ng sakit ng ulo sa mga residente at maging sa mga motorista. Namimigay din sila ng mga bitamina, pamurga at anti-hemorrhagic septicemia o gamot kontra pilay sa mga kalabaw, baka, kambing, baboy at manok sa lungsod.

Samantala, ipinaliwanag naman ni Provincial Veterinarian Dr. Enrique Espiritu na ang rabis ay isang nakamamatay na sakit ng hayop dala ng virus. Maaari itong mailipat sa tao sa pamamagitan ng kagat ng mga hayop na may rabis at kung malagyan ang sugat ng tao ng laway na may rabis, magiging sanhi ito upang mamaga ang utak at spinal cord ng isang tao.

Ayon pa kay Espiritu, dapat na mag-ingat sa mga asong gala na kinakikitaan ng pagkatakot sa tao at sa mga alagang hayop na hindi napabakunahan at nagpapakita ng mga sintomas tulad ng pagbabago ng pag-uugali, naglalaway at nagtatago sapagkat malaki ang posibilidad na may rabis ito.

Ang tao naman umanong nahawaan ng rabis ay nakakaranas ng lagnat na tulad sa may trangkaso, sumasakit ang ulo, pagod, nauuhaw at nakakaramdam ng pagkatakot sa tubig. Kung hindi ito maaagapan ay makakaramdam na ang biktima ng pangangalay sa bahaging nakagat, kinakabahan, nalilito, naguguluhan, kung ano-ano ang mga nakikita, hindi makatulog at iba pang mga abnormal na galaw at pag-ugali, nangangahulugan itong apektado na ang ugat at utak ng taong nahawaan ng rabis.

Sinabi rin ni Espiritu na bukas ang kanilang tanggapan sa imbitasyon ng punong ehekutibo ng mga lokal na pamahalaan dito upang makapagsagawa sila ng massive ring vaccination sa kani-kanilang mga nasasakupang lugar.

Hiling din nila ang buong suporta at pakikilahok ng mga mamayan upang mapigilan ang pagkalat pa ng rabis na nagdadala ng malaking panganib sa buhay at kaligtasan ng publiko at upang tuluyan nang makamit ang minimithing “rabies-free Philippines” sa taong 2020. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments: