Thursday, May 31, 2012

Bayan ng Gubat pinaiigting ang kampanya ng batas laban sa paninigarilyo


Ni: Bennie A. Recebido

GUBAT, SORSOGON, May 31 (PIA) – Bilang bahagi ng pakikiisa ng bayan ng Gubat sa pagdiriwang ngayong araw ng “World No Tobacco Day”, nagpadala ng sulat ang pamahalaang bayan ng Gubat na pirmado ni Municipal Health Officer Dr. Alejandro Lelis at Mayor Ronnel Lim sa 42 mga kapitan sa barangay kung saan inaatasan ang mga ito na mahigpit na ipatupad ang “no-smoking law” o batas laban sa paninigarilyo.

Source: NoSmokingSigns.com
Partikular na target sa nasabing sulat na may petsang Mayo 27, 2012 ang pagpapatupad ng Republic Act 9211 o Tobacco Regulation Act of 2003 sa mga menor de edad kung saan nakapaloob dito ang pagbabawal sa mga tindahan na magbenta ng sigarilyo sa mga kabataan upang maiwasan ang anumang panganib na maaaring idulot ng paninigarilyo sa murang katawan ng mga menor de edad.

Mas mainam din umano kung pati sa mga nakakatanda ay maiwasan na rin ang pagbebenta ng mga sigarilyo.

Papatawan naman ng kaukulang penalidad mula limanglibong piso hanggang tatlong daang libong piso ang sinumang mapapatunayang lumabag dito.

Matatandaang ang mga kasaping bansa ng World Health Organization (WHO) ang siyang bumuo ng “World No Tobacco Day” noong May 31, 1987 at taunan na itong inoobserbahan sa buong mundo tuwing ika-31 ng Mayo.

Layunin nitong hikayatin yaong mga naninigarilyo na magkaroon ng abstinensya sa loob ng 24 na oras o mas mainam kung tuluyan nang maiwasan ng mga ito ang paninigarilyo upang hindi na manganib pa ang kanilang buhay pati na rin ang buhay ng mga nakakalanghap ng usok nito o ng mga tinatawag nating tagatanggap ng” second-hand smoke” at “third-hand smoke”. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: