Friday, June 1, 2012

"Oplan Kalikasan" pinaiigting pa ng PNP at CIDG

Ni:Bennie A. Recebido
 
LUNGSOD NG SORSOGON, June 1 (PIA) – Higit pang pinalalakas ng Philippine National Police (PNP) at ng Criminal Investigation and Detection Group-Criminal Investigation Service (CIDG-CIS) Sorsogon Field Office  ang kanilang pagpapatupad ng “Oplan Kalikasan”.
 
Ayon kay CIDG provincial head Ricardo Ong, isa sa mga pamamaraang ginagawa nila ay ang pagtatanim ng mga puno ng kahoy na una nang sinimulang ipatupad ng PNP Sorsogon Police Provincial Office noong Pebrero ngayong taon sa ilalim ng National Greening Program (NGP) ng administrasyon ni Pangulong Benigno S. Aquino III.
 
Maliban sa pagtatanim ng mga puno ay pinaiigting din nila ang coastal clean-up drive at panghuhuli ng ilegal na namumutol ng kahoy bilang bahagi na rin ng proteksyon sa kapaligiran, kagubatan at kakahuyan.
 
Sinabi din ni Ong na ang pagpapatupad nila ng mahigpit na kampanya ay lumikha ng positibong resulta kung saan ilang mga gumagawa ng ilegalidad ang nasakote na nila at pinakahuli na ay ang sa bayan ng Pilar, Sorsogon na nahulihan nila ng mga ilegal na kahoy.
 
Ayon pa kay Ong mas naging madali sa kanila ang panghuhuli sa mga lumalabag sa batas lalo’t unti-unti na ring nagiging aktibo ang mga residente sa lugar lalo na sa pagpapaabot nito ng mga impormasyon sa pamamagitan ng text message.
 
Tinatrato din umano nilang “confidential” ang ulat ng mga sibilyan bilang proteksyon din nila laban sa mga sangkot sa ilegalidad na operasyon sa probinsya. (FB Tumalad, Jr./BARecebido, PIA Sorsogon)
 

No comments: