Thursday, May 31, 2012

PCA Sorsogon, nilinaw ang ilang mga probisyong ipinatutupad ukol sa pagpuputol ng puno ng niyog


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, May 31 (PIA) – Nilinaw ni Philippine Coconut Authority (PCA) Sorsogon Provincial Head Alejandro O. Olaguera na taliwas sa lalawigan ng Albay kung saan may ipinatutupad na total ban sa pagpuputol ng puno ng niyog, wala umanong ganitong ipinatutupad sa lalawigan ng Sorsogon.

Aniya, nagbibigay ang PCA Sorsogon ng permiso sa pagpuputol ng puno ng niyog subalit may mga kaukulang kondisyon ito kung saan pinapayagan nila ang pagpuputol ng puno ng niyog kung gagamitin ito sa personal na pangangailangan kabilang na dito ang pagsasaayos o pagtatayo ng bagong bahay matapos masunugan o masalanta ng bagyo at iba pang kalamidad.

Pinahihintulutan din nila umanong pumutol ng puno ng niyog kung ito ay hindi na namumunga at mayroong palatandaan ng peste, karamdaman o sakit tulad ng “Cadang-cadang”. 

Subalit mariin niyang sinabi na kailangang palitan ng bagong puno ng niyog ang mga pinutol upang hindi umano maubos ang mga niyog, makapamungang muli at mapakinabangan sa hinaharap.

Aniya mahigpit ang kanilang kampanya at panawagan sa mga gumamagawa ng ilegal na pagpuputol ng puno ng niyog sapagkat ang walang humpay na pamumutol ng mga puno ang siyang dahilan at mekanismo ng pagkakaroon ng pagdausdos ng mga lupa mula sa kabundukan kasama na ang malalakas na pagbaha patungo sa mabababang lugar lalo na’t lantad sa bagyo at mga malalakas na pag-uulan ang lalawigan.

Ayon pa kay Olaguera, patuloy din nilang sinusubaybayan ang mangilan-ngilang mga residente sa lalawigan na patuloy pa ring nagpapalusot at namumutol ng mga puno ng niyog ng walang sapat na dokumento at permiso sa kanilang tanggapan. (FBTumalad, Jr./BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: