Friday, July 27, 2012

Hakbang sa pagsugpo sa ilegal na pamumutol ng kahoy at pag-uuling sa mga protected areas ilalatag ng DENR


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 27 (PIA) – Patuloy ang pagsisikap ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Bicol na makapaglatag pa ng mga konkretong hakbang upang tuluyan nang matuldukan ang ilegal na pagpuputol ng kahoy at pag-uuling sa mga protected area.

Sa pangunang paglulunsad nito ay ipapatawag ng bagong DENR Bicol Regional Executive Director Gilbert C. Gonzales ang Provincial ENR Officer at City ENRO at mga protected area superintendent sa mga protected area ng Camarines Norte at ang dalawang Regional Technical Director (RTD) para sa Forest Management Service (FMS) at Protected Areas Wildlife and Coastal Zone Management Service (PAWZCMS).

Sa gagawing pagtitipon sa huling araw ng Hulyo, ilalatag ng DENR ang mga istratehiya at mga hakbang na gagawin upang matuldukan na ang ilegal na pagpuputol ng kahoy at pag-uuling na mahigpit na ipinagbabawal lalo na sa mga protected area tulad na lamang halimbawa ng Bicol Natural Park.

Positibo si Director Gonzales na sa pro-active at praktikal na hakbang na gagawin sa mga isyung tulad nito ay mas epektibong maipatutupad ang kampanya laban sa ilegal na pagpuputol ng kahoy at pag-uuling. (BARecebido, PIA Sorsogon/ RMEndones, DENR-V)

No comments: